Pagtataya sa Sariling Pag-unlad: Paghahambing sa Kaparehong Gulang at ang 8 Gawaing Pampag-unlad (developmental task) ni Robert James Havighurst

 
Mahalaga na laging natataya ang sariling pag-unlad lalo na sa panig ng mga nagdadalaga at nagbibinata. Mahalaga ang pagkilala sa sarili ng isang adolescent.
 
Samakatuwid, mahalaga ang lekturang ito upang maunawaan din ang buong yugto ng adolescence, kung ano nga ba ang “adolescence” at paano maging isang teen-ager?

Pagtataya sa Sariling Pag-unlad

Kung ikaw ay isang adolescent o tinedyer, ang isang mabisang paraan upang mataya mo ang iyong pansariling pag-unlad o pansariling paglago (personal development) ay sa pamamagitan nang paghahambing mo sa iyong sarili sa mga kaparehong gulang.
 
Sapagkat sa  pamamagitan nito ay makikita mo kung ikaw ay nauuna o nahuhuli sa antas ng pag-unlad ng iyong mga ka-edad.
 
Bukod sa ito ay para sa iyong kaalaman o kamalayan, ang iyong dapat na maging layunin o goal sa paghahambing mo sa iyong sarili sa iyong mga ka-edad ay upang maisagawa mo ang nararapat na paghabol o adjustment kung sakaling ikaw ay nahuhuli sa antas ng iyong pag-unlad.
 
Masasabing normal ang proseso ng iyong pag-unlad kung ikaw ay nakasasabay, kung hindi man nauuna, sa nakakarami sa iyong mga ka-edad.

Paghahambing sa Kaparehong Gulang

Sa paghahambing mo sa iyong sarili sa iyong mga ka-edad, makatutulong na mataya mo ang iyong sarili kung nagawa mo na ang walong (8) mga gawaing pampag-unlad (developmental tasks) o mga angkop at inaasahang kasanayan at kilos na tinukoy ni Robert James Havighurst. (Basahin din: Discuss developmental tasks and challenges being experienced during adolescence)
 
Ang mga ito ang pangkaraniwang natutunan na o kasalukuyang pinagtutunan ng iyong mga kaedad.
 
Para kay Robert James Havighurst ay may walong (8) mga gawaing pampag-unlad na dapat matutunan ng nasa gitna at huling bahagi na pagbibinata o pagdadalaga.
 
Robert James Havighurst: Walong (8) mga gawaing pampag-unlad (developmental task) sa nasa gitna at huling bahagi na pagbibinata o pagdadalaga
 
*Para sa 1 hanggang 4 na gawaing pampag-unlad, sangguniin ang: Robert James Havighurst: Ang 8 Gawaing Pampag-unlad (Developmental Tasks). Magsimula tayo rito sa panglima:
 

GAWAING PAMPAG-UNLAD 5: Paunlarin ang personal na saloobin ukol sa pag-aasawa at paghandaan ang pagkakaroon ng sariling pamilya.

Sa mga paraang tanggap ng lipunan at naaayon sa mga batas, ang pamilya ay nabubuo sa pamamagitan ng pagpasok ng isang lalaki at babaeng nagmamahalan o nagkakaunawaan sa buhay mag-asawa. Ang pamilya ang pangunahing yunit ng lipunan.
 
Hindi isang madaling bagay ang pagiging may-asawa. Kaakibat nito ang mga pananagutan bilang asawa at bilang magulang ng iyong magiging mga anak.
 
Malamang kaysa hindi ay papasok ka sa buhay may-asawa sa hinaharap. Kaya marapat lamang na sa antas ng pag-unlad na ito ay magpasimula kang magkaroon ng malalim na kabatiran ukol sa pagtatatag ng sariling pamilya at pagpapalaki sa mga bata.
 
Kung gayon, bahagi ito ng iyong gawaing pampag-unlad bilang isang tin-edyer.

GAWAING PAMPAG-UNLAD 6: Pumili at ihanda ang sarili para sa isang trabaho.

Ukol ito sa paghahanda ng sarili at paglinang sa mga kaalaman at kasanayan para sa career o paghahanapbuhay.
 
Kaugnay nito, dapat na sikaping makapagtapos ng pag-aaral. Makatwiran lang na nagsasagawa ka rin ng mga pagpapabuti ng iyong mga kakayahan, kasanayan, at kadalubhasaan bilang paghahanda mo para sa iyong hinaharap.
 
Para maisakatuparan ang gawaing ito, makatutulong na tukuyin mo ang iyong mga kalakasan at kahinaan. (Basahin: Pagtanggap sa mga kalakasan at kahinaan (strengths and weaknesses): Mahalaga lalo na sa adolescents)
 
Mahalaga rin na makisalamuha at lumahok sa iba’t ibang gawain sa paaralan o komunidad. (Kaugnay: Pakikipagkapwa tao: Paano magkakaroon lalo na ang mga kabataan?)
 
Sikaping magkaroon ng konkretong plano sa kursong gustong kunin sa hinaharap at magtanong sa mga mayroong uri ng hanapbuhay na nais mong kunin. (Read: Some Ways to Become a Responsible Adolescent)
 
Pagsikapang makakuha ng tamang pagsasanay kaugnay sa uri ng trabaho o karera na iyong hinahangad. Kailangan mo ring magpasiya kung magtatrabaho ka kaaagad pagkatapos ng high school o magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo.
 
Sa lahat ng ito, makabubuting hingin din ang payo o paggabay ng iyong mga magulang.

GAWAING PAMPAG-UNLAD 7: Magtaglay ng isang hanay ng mga pamantayan (set of standards) bilang gabay sa pag-uugali.

 
Hinggil ito sa pagkakaroon ng mga pagpapahalaga o values na magsisilbing gabay sa mabuting asal at pagiging mabuting elemento sa lipunan.
 
Sa antas o yugtong adolescence ay kailangan na mahubog ang iyong sistema ng pagpapahalaga at paniniwala.
 
Ito ay dahil napakakritikal ng panahon ng pagdadalaga o pagbibinata. Ang mga uri ng asal na iyong matututunan sa antas na ito ay maaaring bumuo o sumira ng iyong magandang kinabukasan.
 
Kasama sa gawaing pampag-unlad na ito ang pagkilala at pagtataglay ng mga alituntunin sa buhay na mahalaga upang mamuhay nang tiwasay. Mahalaga rin ang pagpili at pagtulad sa mga huwaran sa lipunan gaya ng mga magulang, guro, at mga mabubuting lider ng pamayanan.
 
Sa gawaing pampag-unlad na ito, nakapaloob din ang pagtatakda ng mga prayoridad sa iyong buhay. Dapat mong linawin ang pagkakasunud-sunod ng mga prayoridad mo sa buhay.
 
Karaniwan nang pinahahalagahan ng mga tao ang Maylalang, pamilya, edukasyon, trabaho, mga kamag-anak at kaibigan, at mga libangan. Para na rin sa iyong mga pagpapasya, dapat na malinaw sa iyo kung alin sa mga ito ang mahalaga, mas mahalaga, at pinaka-mahalaga para sa iyo.
 
Ang halimbawa ng magandang pagpapahalaga (values) o prinsipyo sa buhay ay ang pagiging laging positibo sa pag-iisip. Makatutulong na isiping palagi na ang mga bagay na para bagang negatibo ay may mabuting maibubunga.

GAWAING PAMPAG-UNLAD 8: Tumanggap at magtamo ng mapapanagutang asal sa pakikipagkapwa-tao at pakikipag-ugnayan.

Lalong lumalawak ang mundo ng isang tao habang siya ay nagkakaedad. Mas dumadami ang nakikilala, nakakasalamuha, at maging ang mga nagiging kabahagi ng buhay.
 
Sa pakikitungo sa mga tao, inaasahan na ikaw, bilang adolescent, ay magpapamalas ng socially responsible behavior.
 
Ang mapanagutang asal sa pakikipagkapwa ay ang pagkaunawa at pagpapahalaga sa katotohanang hindi nabubuhay ang tao para lamang sa kanyang sarili. Ito ay higit sa simpleng paggalang sa kapwa.
 
Tandaan na kailangan natin ang ibang tao hindi lamang upang mabuhay kundi upang makita ang tunay na kahulugan at esensiya ng buhay.
 
Mahalagang maunawaan na sa isang sibilisadong lipunan ay may mga katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap na asal o pag-uugali. Kabilang sa hindi katanggap-tanggap ang pagiging makasarili at walang pakundangan sa kapwa, ang mga krimen, at maging ang mga tinatawag na taboos.
 
Itinuturing naman na katanggap-tanggap ang mga naayon sa kagandahang-asal, moralidad, batas, at ang mga mabubuting itinuturo ng relihiyon. Kailangan mong malaman ang mga bagay na ito at maging responsable at nananagot sa mga kahihinatnan ng iyong mga aksyon. (Ituloy ang pagbasa sa: Robert James Havighurst: Ang 8 Gawaing Pampag-unlad (Developmental Tasks))
 
Copyright © by Marissa G. Eugenio/OurHappySchool.com
 
I-search ang mga related lecture sa search engine sa taas: https://OurHappySchool.com/.
 
SA MGA GURO
Maaari itong gawing online reading assignment o e-learning activity ng mga estudyante, gamit ang ganitong panuto:
“Hanapin sa search engine ng OurHappySchool.com (o MyInfoBasket.com) ang artikulong [buong title ng artikulo]. Basahin. I-share ang post sa iyong social media account* kalakip ng iyong pinakamahalagang natutunan sa lektura (2 sentences). I-screen shot ang iyong post at ipasa sa iyong guro.”
 
*Maaaring i-share ito sa Facebook, Telegram, Twitter, Instagrame-mail, at mga kauri nito.
 
Sa mga Estudyante:
Ang mga free lectures sa site na ito, OurHappySchool.com, ay makatutulong sa iyo. Mahahanap sila sa search engine sa itaas.
 
Basahin din:
 

Sponsored Links