Ang pag-unlad at pagbabago sa larangang pisyolohikal, kognitibo, sikolohikal, ispiritwal, at panlipunan na nararanasan ng isang tao, lalo na sa pagbibinata o pagdadalaga, ay magkakaugnay.
Ang mga ito ay pangkaraniwang nagaganap nang mabilis sa mga tao na nasa antas ng pag-unlad na adolescence. Bilang tinedyer, mahalagang maunawaan mo ito upang iyo ring maintindihan ang iyong mga iniisip, nadarama, at kinikilos bilang isang tinedyer.
Narito ang mga aspeto ng pag-unlad o pagbabago sa katauhan:
Espirituwal na Pag-unlad at Pagbabago
Higit na gumaganda ang sosyal o panlipunang relasyon ng isang tao at ang pagtingin niya sa kaniyang sarili habang umuunlad ang kaniyang aspetong espirituwal.
Ang espirituwal na pag-unlad ng isang adolescent ay may kinalaman sa kaniyang pagkilala at kaugnayan sa Diyos o anumang bagay na espirituwal.
Mayroong kognitibo at sikolohiyang epekto sa isang tao na lubos niyang maunawaan, halimbawa, na siya ay espesyal sa mga nilalang ng Manlilikha. Ito ay nakapagdadagdag ng tiwala sa isang indibidwal.
Ang mga kabataan ay nagsisimulang magkaroon ng interes sa mga bagay na espirituwal sa yugtong adolescence. Hindi kataka-taka kung gayon na ikaw ay magpasimulang magnilay-nilay sa mga paksang panrelihiyon. Ang ilang halimbawa ay ang ukol sa Dios, pag-iral, kasiyangaan o kakanyahan (essence), kabanalan at relihiyon.
Sa iyong pagbibinata o pagdadalaga, mararamdaman mo ang pagnanais na magkaroon ng personal na relasyon sa Maylalang. Ang ilan naman sa inyo ay magiging interesado pa sa pagtahak sa mga sagradong bokasyon gaya ng pagpasok sa institusyong kleriko (pagpapari, pagmiministro, pagpapastor o pagmamadre)
Sa iyong espirituwal na pag-unlad, maitatanong mo at susubukang sagutin ang mga eksistensiyang tanong. Ang mga halimbawa nito ay ang: “Sino ako?”, “Bakit ako narito?”, “Ano ang nagdala sa akin dito?”, “Ano ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan?”, “Ano ang aking misyon?”, at “Ano ang kahulugan ng buhay?”
Magpapasimula ring maghanap ang ilang mga tinedyer mula sa relihiyon at mga Banal na Kasulatan ng mga sagot. Ito ay lalo na sa mga tanong na may kaugnayan sa mga konsepto ukol sa eksistensiya, buhay at kamatayan, mga pagsubok sa buhay, pagdurusa, kalungkutan, kabiguan, at paghihirap.
Panlipunang Pag-unlad at Pagbabago
Umiigting ang paghahangad ng mga kabataan, sa panahon ng kalagitnaang bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga, na magkaroon ng kalayaan mula sa kani-kaniyang magulang.
Bilang nasa antas ng pag-unlad na ito, ikaw ay maaaring mas umaasa ngayon sa iyong mga kaibigan o kabarkada kaysa iyong ama at ina o tagapag-alaga.
Lamang, dahil sa ang iyong mga ka-edad ay tila nagiging mas mahalaga sa iyo kaysa iyong pamilya, matindi ang dating sa iyo ng peer pressure. Ito ay dahil na rin sa inaasahan na ikaw ay susunod sa pamantayan ng iyong mga kabarkada.
Tandaan lamang na ang peer pressure ay isang uri ng sikolohikal na panggigipit kung kaya’t hindi ka rin tunay na malaya kung ikaw ay sunud-sunuran rito.
Muli namang magkakaroon ng magandang relasyon sa pamilya ang tinedyer sa huling bahagi ng adolescence. Sa pagsapit mo sa yugtong ito, magpapasimula ka na ring makabuo ng mga makabuluhang kaugnayan sa ibang mga tao at mga kakilala.
Ang relasyong romantiko sa unang bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga ay maikli at panandalian lamang. Ganunpaman, ito ay pangkaraniwang nagiging mas matagal at mas matatag sa huling bahagi ng adolescence.
Konklusyon ukol sa mga Pagbabago o pag-unlad sa panahon ng adolescence
Ang iba’t ibang pag-unlad o pagbabago na nagaganap sa tao ay tumutugma sa iba't ibang aspeto ng tinatawag na holistikong pag-unlad (holistic development).
Mapapansin na sila ay may kaugnayan sa isa't isa.
Ang mga ito ay totoong nakakaapekto sa bawat isa patungo sa kabuuang pagyabong o paglago ng pagkato ng isang nagbibinata o nagdadalaga.
Halimbawang e-learning activity ukol sa adolescence
Ito ay maaaring ipa-assignment ng mga guro para sa pagtuturo sa paksa:
1. Mag-online sa AlaminNatin.com o MyInfoBasket.com. Gamit ang search engine nito, hanapin ang artikulong “Ang Kaugnayan ng Pisyolohikal, Kognitibo, Sikolohikal, Ispiritwal At Panlipunang Pag-Unlad.” Basahin ang maikling lektura.
2. Sa comment section sa ibaba ng artikulo, isulat ang naisip mong paraan o payo upang mapabuti ang iba’t ibang aspeto ng pag-unlad sa buong katauhan o holistic development (isa sa bawat aspeto). Gumamit ng hashtag na: #PerDev #[PangalanNgPaaralan]
3. I-print ang iyong naka-post na komento at ipasa sa guro.
Kaugnay na lektura:
© Vergie M. Eusebio and Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
*Maaaring makita ang mga kaugnay na lektura sa search engine sa itaas.
PARA SA MGA GURO:
Ang lekturang ito ay pwedeng ipa-online reading assignment o e-learning activity sa mga estudyante, gamit ang ganitong panuto:
“I-search sa search engine ng OurHappySchool.com ang entry na [buong title ng artikulo]. Unawain. I-share ito sa social media account* kalakip ng iyong maikling summary sa lektura. I-screen shot ang iyong post at ipasa sa guro.”
*Maisi-share ang essay na ito sa mga social media tulad ng FB, Telegram, Twitter, Instagram, e-mail, at mga kauri nito.