Pag-Unawa sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer

Kasanayang Pampagkatuto:
Natatalakay ang pag-unawa sa mga relasyon ng mga tinedyer kasama ang mga katanggap-tanggap at di katanggap-tanggap na pagpapahayag ng pagkagusto/pagmamahal
 
Pangkaraniwang nabubuo sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga ang maraming mga personal na pakikipag-ugnayan, tulad ng tinatawag na romantikong relasyon.
 
Sa panig ng mga kabataan, ang romantikong relasyon ay maaaring panandalian lamang subalit may malaking epekto sa kanilang buhay. Maaari itong magdulot ng bagabag o stress dahil sa kakulangan sa karanasan at sapat na kaalaman.
 
Subalit sa romantikong relasyon ay maaari ring matutunan ng mga kabataan kung paano pamahalaan ang iba't ibang mga emosyon. Maaari ring matuto rito ang mga tinedyer ng epektibong komunikasyon at mapaghusay ang kanilang mga kasanayang interpersonal, dahil matutunan nila ang sining ng pag-kokompromiso.
 
Samakatuwid, kung gagamitin nang tama ang romantikong relasyon, maaaring magdulot ito sa mga nagbibinata/nagdadalaga ng pagkakataon na mapaghusay ang kanilang mga sarili.
 
Kung ikaw ay isang tinedyer, inaasahan na iyong maipamamalas ang iyong pag-unawa sa iba’t-ibang uri ng atraksyon, pagmamahal at komitment.
 
Inaasahan din na iyong maisasagawa ang pagsuri ng iyong kasalukuyang relasyon (kung mayroon) at makagagawa ka ng plano upang mapatatag ang isang relasyon sa hinaharap.

Mga Katanggap Tanggap At Di Katanggap Tanggap Na Pagpapahayag Ng Damdaming Pagkagusto At Pagmamahal

Napakahalaga na malaman ng mga kabataan kung ano ang mga katanggap tanggap at di katanggap tanggap na pagpapahayag ng damdaming pagkagusto at pagmamahal. Kahit na sa panahon ngayon na nagiging karaniwan na ang pampublikong pagpapahayag ng pagkagusto, dapat panatilihin ang tamang kondukta at pagiging marangal.
 
May mga bagay na hindi naaangkop na gawin sa harap ng publiko gaano mo man gustong gawin ito.
 
Mahalagang tandaan: Ang magmahal ay isang kahali-halinang bagay. Ganunpaman, bagama’t ang pagkakaroon ng relasyong pang-tinedyer ay tila nagiging karaniwan, dapat pa ring unahin ang pag-aaral nang mabuti.

Aktibidad: Ang Relasyong Pang-Tinedyer

 
Layunin: Ang gawaing ito ay naglalayong magbigay ng pang-unawa sa mga nagbibinata/nagdadalaga tungkol sa mga relasyong pang tinedyer at ang mga katanggap at di katanggap tanggap na pagpapahayag nito.
 
Pamamaraan: Isa itong panggrupong gawain. Hahatiin ng guro ang klase sa mga grupo. Sa bawat grupo, magtatalakayan sila kung ano ang nauunawaan nila ukol sa mga relasyong pang-tinedyer. Magsasagawa sila ng isang maikling palabas upang maipakita ang mga katanggap at di katanggap tanggap na pagpapahayag ng pagkagusto/pagmamahal sa isang relasyong pang-tinedyer. Mag-ingat at isangguni muna sa guro ang ipapalabas.
 
Talakayan/Pagbabahagi:
1. Anu-ano ang mga natutuhan mo sa aktibidad na ito?
2. Naintindihan mo ba ang mga katanggap tanggap at di katanggap tanggap na pagpapahayag ng pagkagusto? Sang-ayon ka bas a mga ito?
 
© by Vergie M. Eusebio at Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
 
Kaugnay:
 

Para sa komento o assignment, gamitin ang comment section sa: Mapanagutang Pagtugon sa Iba’t Ibang Emosyon ng Kapuwa

Sponsored Links