Kasanayang Pampagkatuto:
Nasusuri ang istruktura ng sariling pamilya at ang uri ng pagmamahal na kanyang binibigay at tinatanggap na nakatutulong sa pag-unawa niya sa kanyang sarili
May malaking epekto sa pagkatao at personalidad ng isang kabataan ang uri ng istraktura ng kaniyang pamilya at ang uri ng relasyon sa pagitan niya at ng kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Dapat na nauunawaan ng isang kabataan ang tungkol sa uri ng istraktura ng pamilya na mayroon siya.
Ito ay sapagkat ang bawat istraktura ng pamilya ay may iba't ibang mukha at iba't ibang paraan upang makaapekto sa pag-unlad ng mga nagbibinata/nagdadalaga.
Kung ikaw ay isang nagdadalaga o nagbibinata, inaasahan na iyong maipamamalas ang iyong pag-unawa sa epekto ng iyong pamilya sa iyong personal na pag-unlad sa panahon ng kalagitnaan at huling bahagi ng pagdadalaga/pagbibinata.
Inaasahan din na iyong matutukoy ang pagkakaroon ng pamilyang may matatag na samahan at pagmamahalan tungo sa pansariling pag-unlad sa yugtong ito.
Ang Pagmamahalan sa Pamilya
Kahit na anoman ang istruktura ng sariling pamilya, ang mahalaga ay nagpapakita ang bawat miyembro ng pagmamahal, pagmamalasakit, pag-aalaga, paggalang, at suporta para sa isa't isa.
Sa pamamagitan nito, ang mga relasyon sa pamilya ay uunlad at magtatagumpay. Ang mga kabataan ay magkakaroon din ng maayos o malusog na pag-unlad.
Karaniwang nagpapakita ng mas mahusay na emosyonal at sikolohikal na kagalingan ang mga kabataang kabilang sa sambahayan kung saan naghahari ang pag-ibig at kapayapaan.
Batay sa mga pag-aaral, karamihan sa kanila ay hindi nagpapakita ng mga problema sa pag-uugali tulad ng agresyon, pagsuway sa mga awtoridad, juvenile delinquency, paninigarilyo, at pag-abuso sa droga o alkohol.
Ang mga anak na lumaki sa tahanang may pagmamahal, kung ikukumpara sa iba, ay nakakakamit ng mas mataas na grado. Malabo rin silang sumali sa wala sa panahon o bawal na sekswal na gawain at iba pang imoralidad.
Anopa’t ang mabuting relasyon sa mga magulang at mga kapatid ay maaaring makapigil sa mga nagbibinata at nagdadalaga na makilahok sa mga peligroso at hindi mabuting mga aktibidad.
Mahalagang tandaan ng mga magulang na ang pagiging magulang ay isang marangal na bokasyon na nangangailangan ng maraming pagsisikap.
Dapat namang maunawaan ng mga anak na upang magkaroon ng isang malusog at mapayapang sambahayan, sila rin ay dapat na maging maunawain at magbigay ng suporta sa kanilang mga magulang at sa isa’t isa.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay: