Mga Aktibidad ukol sa Plano Upang ang Bawat Kasapi ng Pamilya ay Maging Matatag at Mahinahon sa Bawat Isa

Aktibidad 1: ‘Ipinakikilala ko, ang aking Pamilya’

Layunin:
Ang gawaing ito ay naglalayong matulungan ang nagbibinata/nagdadalaga na masuri kung anong uri ng pamilya mayroon siya.
 
Materyales:
Panulat (ballpen), papel o bond paper
 
Pamamaraan:
Gumawa ng sanaysay tungkol sa kung ano ang istruktura ng iyong pamilya. Talakayin ang relasyon mo sa iyong pamilya at ang uri ng pagmamahal na iyong binibigay at natatanggap mula sa kanila na nakakatulong sa yugto ng iyong pagbibinata/pagdadalaga.
 
 
Talakayan/Pagbabahagi:
1. Mahirap bang malaman kung ano ang istruktura ng iyong pamilya? (hal. Nukleyar, single-parent, extended, step family/blended, grandparent)
2. Ano ang natutunan mo tungkol sa iyong pamilya at sa kanilang bahagi sa pag-unawa mo sa iyong sarili?

Aktibidad 2: ‘Ang Genogram ng aking Pamilya’

Layunin:
Ang gawaing ito ay naglalayon na makagawa ang mga nagbibinata/nagdadalaga ng genogram ng kanilang pamilya. Ito ay isang makabuluhang kagamitan upang makakuha ng impormasyon tungkol sa pamilya ng kabataan na makatutulong upang makilala ang mga disenyo ng kaugalian na nakaiimpluwensiya at nagtutulak sa kasalukuyang ugali nila.
 
Materyales:
Panulat (ballpen), papel o bond paper, o kaya, computer/printer
 
Pamamaraan:
Magsaliksik kung paano makakagawa ng simpleng genogram para sa iyong pamilya. Maaring gumamit ng mga apps sa internet o sundin ang mga online guidelines sa paggawa nito. Ang magagawa ay ituturing ng guro na confidential.
 
Talakayan/Pagbabahagi:
1. Mahirap bang gumawa ng isang genogram?
2. Anu-ano ang mga natutunan mo tungkol sa iyong pamilya sa paggawa mo ng genogram?
 

Aktibidad 3: ‘Mga Plano Ko upang Maging Matatag ang Bawat kasapi ng Pamilya’

Layunin:
Ang gawaing ito ay naglalayon na tulungang makapag-isip ang nagbibinata/nagdadalaga ng mga pamamaraaan para maging matatag at mahinahon ang mga miyembro ng kani-kanilang pamilya.
 
Pamamaraan:
Hahatiin ng guro ang klase sa mga grupo. Sa bawat grupo ay pipili ng lider na siyang mangunguna sa pag-iisip ng gagawing pagtatanghal ukol sa kung paano gagawing mas matatag at mahinahon ang bawat kasapi ng pamilya sa isa’t-isa. Bahala ang grupo kung anong uri ng pagtatanghal ang gagawin (halimbawa ay skit, pagtula, pag-awit o pagsayaw). Ang grupong may pinakamagandang pagtatanghal sa paningin ng guro ay mabibigyan ng karagdagang puntos.
 
Talakayan/Pagbabahagi:
1. Mahirap bang mag-isip ng mga pamamaraan kung paano mapapabuti ang relasyong pampamilya?
2. Bakit ang ganoong uri ng pagtatanghal ang napili ng iyong grupo?
3. Nagustuhan mo rin ba ang pagtatanghal ng iyong mga kaklase? Ipaliwanag ang sagot.

Konklusyon

Ang mabuting relasyon sa pagitan ng bawat miyembro ng pamilya ay nakatutulong upang makaramdam ang mga anak ng seguridad at pagmamahal at nakapagpapabuti ito ng pakiramdam.
 
Maraming paraan upang makabuo ng mabuting relasyon sa pamilya gaya ng pagkakaroon ng de-kadlidad na panahon, komunikasyon, at pagtutulungan sa isa’t isa. Kaya mahalagang suriin ang relasyong pampamilya upang malaman kung paano ito mapauunlad at mapapabuti.
 
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
 
Kaugnay:

Sponsored Links