Ang genogram ay isang larawan o ilustrasyon ng mga pampamilyang relasyon ng isang tao at kasaysayang mediko. Ito ay isang elaborasyon ng ‘family tree’ kung saan ipinapakita rin ang mga ‘hereditary patterns’ at mga relasyon sa mga miyembro ng pamilya.
Ang magkaroon ng kaalaman ukol sa pamilya ay isang kawili-wiling bagay, maari mang ang proseso ay emosyonal at kung minsan ay mahirap. Bawat pamilya ay may sariling kuwento. May mga bahaging ipagmamalaki at magsisilbing inspirasyon at mayroon din namang hindi.
Halimbawa ng genogram mula sa semanticscholar.org:
Ang genogram ay isang mabisang oportunidad sa pansariling pag-unlad. Habang nauunawaan natin kung paano tayo nahubog ng mga personalidad at relasyon na kinalakhan natin, mas lalo nating natutukoy kung ano ang gusto nating panghawakan, at kung ano ang gusto nating palitan.
Sa isang nagbibinata/nagdadalaga, makatutulong ang genogram sa pagkuha ng impormasyon sa kanilang pamilya. Ang makakalap na impormasyon ay makatutulong sa pagtukoy ng mga bagay na maaaring nakakaimpluwensiya sa pag-uugali nila.
Ang genogram ay isang kagamitang maaaring magtaguyod ng malusog na pagbabago at magpapaunlad ng mas maraming positibong relasyon sa buhay ng isang nagbibinata/nagdadalaga.
Ang halaga ng pamilya sa mga nagdadalaga at nagbibinata
Ang mga nagbibinata/nagdadalaga ay patungo sa pagiging malaya sa pisikal, emosyonal, at kognitibong aspeto, at patuloy pa rin sa paglaki. Nangangailangan pa rin sila ng katatagan at maasahang suporta upang saliksikin ang mundo at mamuhay nang maayos rito.
Ang pamilya, anomang uri ito, ay makapagbibigay ng suporta at walang pasubaling pagmamahal sa mga panahon ng pagsubok. Nakikinabang ang mga nagbibinata/nagdadalaga mula sa kanilang ipinapakitang paggalang, konsiderasyon, at ganting pagmamahal mula sa relasyon sa pamilya.
Sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga, maaring lumayo ang loob ng mga tinedyer sa mga magulang dahil sa hinahangad na kalayaan. Ganunpaman, dapat manatili ang pag-impluwensiya ng mga magulang sa kanila sa iba’t ibang paraan.
Halimbawa ay sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa, pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatagubilin, pangungumbinsi, pagbibigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagganyak, pagdidisiplina, at patuloy na pangungumbinsi sa pamamagitan ng pangako.
Mahalaga kung gayon na ang isang nagdadalaga o nagbibinata na magkaroon ng plano upang ang bawat kasapi ng pamilya ay maging matatag at mahinahon sa bawat isa.
Copyright © by Vergie M. Eusebio at Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay: