Ipinakilala ng Amerikanong psychiatrist na si Harry Stack Sullivan ang paggamit sa terminong “significant other” sa kanyang aklat na The Interpersonal Theory of Psychiatry. Ito ay inilathala noong 1953.
Ang Significant Other sa Panlipunang Sikolohiya (Social Psychology)
Sa larangan ng social psychology, ang terminong “significant other” ay tumutukoy sa tao na gumagabay at nag-aalaga sa isang bata sa panahon ng pangunahing pakikisalamuha.
Sa madaling salita, ito ay tumutukoy halimbawa sa magulang, tiyuhin o tiyahin, lolo o lola, o guro. Pinuprotektahan, ginagantimpalaan, at pinarurusahan ng “significant other” ang bata, kung kinakailangan, bilang paraan ng pagtulong sa pag-unlad ng bata.
Ang Significant Other sa Sikolohiya (Psychology)
Sa psychology (sikolohiya), ang “significant other” ay sinumang mahalaga sa buhay o kapakanan ng isang tao.
Sa maraming sitwasyong panlipunan o pangnegosyo, ang “significant other” ay tumutukoy sa taong sumusuporta sa ibang tao.
Halimbawa, sa mga institusyong pangkalusugan, ginagamit ang “significant other” sa kanilang mga dokumento upang tumukoy sa tao na maaaring magbigay ng suporta sa pasyente sa panahon ng check-up, pagkakasakit, paggagamot, at rehabilitasyon.
Ang Significant Other sa Sosyolohiya (Sociology)
Sa sociology (sosyolohiya), tumutukoy ang “significant other” sa taong may malakas na impluwensiya sa sariling-konsepto ng isang indibidwal.
Sa kasalukuyan, ang termino ay ginagamit upang tumukoy sa lahat ng tao na may sapat na kahalagahan sa buhay ng isang indibidwal upang makaapekto sa kanyang emosyon, pag-uugali, at pagkatao.
Sa malawak na paggamit ng salitang “significant other,” pangkaraniwang kasama rito ang mga miyembro ng pamilya (mga magulang, mga kapatid, at mga kamag-anak), mga kaibigan, at mga tagapayo (mga guro, mga lider ng relihiyon, at mga lider ng komunidad), at maging ang asawa o kasintahan.
Copyright © by Marissa G. Eugenio/OurHappySchool.com
Hanapin ang mga kaugnay na lektura sa search engine sa taas: https://OurHappySchool.com/.
Basahin din: