Mga Paraan Upang Mapabuti Ang Komunikasyon

Narito ang ilang mga paraan upang mapabuti ang komunikasyon:

1. Pagiging mapanlikha o malikhain (creativity).

Kailangang gamitin ng tao ang kaniyang talino at malikhaing isipan sa pagtuklas ng mabuting paraan ng pagpapahayag ng kaniyang sasabihin.
 
Maghintay ng tamang panahon at ng wastong lugar, at itaon din na nasa magandang pakiramdam ang sarili at ang kakausapin. Kung may dinaramdam naman ay maghunos-dili at ilagay muna sa kondisyon ang sarili, gayundin ang kakaharapin. Maaaring magbigay ng bulaklak kung nagtatampo ang kakausapin.
 
Maaaring ipagluto ng masarap na ulam ang kakausapin upang mabawasan ang kaniyang galit o tampo.

2. Pag-aalala at malasakit (care and concern).

Magkaroon ng malasakit at galang sa kausap sinuman o anuman ang kaniyang katayuan o nalalaman. Kahit na bata, katulong sa bahay, o pulubi ang kausap, isiping mayroon kayong pantay na dignidad at karapatan.
 
Kahit itinuturing na mababa ang kanilang kalagayan sa lipunan, humingi ng paumanhin sa kanila kung nasaktan mo ang kanilang damdamin.

3. Pagiging hayag o bukas (cooperativeness/openness).

Sa pakikipag-usap, maging bukas lagi at manatiling tapat lalo na sa mag-asawa. Huwag hanapin ang sariling katangian sa kausap. Huwag sukatin ang kausap sa kaniyang kapintasan at kamangmangan.
 
Tanggapin ang kausap bilang isang taong mayroong dignidad at karapatan. Halimbawa, nasira ng inyong katulong ang inyong computer dahil pinakialaman niya ito. Huwag magbitaw ng masasakit na salita.
 
Bigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag at kung mayroon siyang pinsalang nagawa, pag-usapan kung ano ang dapat gawin.

4. Atin-atin (personal).

Mabuti sa magkakasambahay ang pagkakaroon ng sama-samang usapan at pagpapalitan ng kuro o magkaroon ng masayang balitaan at pagbabahaginan ng karanasan na maaaring pag-usapan ng pamilya at kaibigan.
 
Subalit mayroong mga suliraning sa pamilya lamang dapat pag-usapan. Kung ang suliranin ay para sa mag-asawa lamang at ang pagsasabi nito sa mga anak ay magdudulot lamang ng kalituhan, kailangan na lutasin ito nang palihim sa mga kasambahay.
 
Ang “atin-ating” usapan ay hindi pagsasangkot o paninisi sa ibang tao.

5. Lugod o ligaya.

Ang kaligayahan o lugod ng isang tao sa pakikipag-usap ay nakaaakit sa pagtitiwala ng kaharap. Ang masayang tao ay nakagaganyak sa kapwa na makipagpalagayang-loob, magtiwala, at maging bukas sa pakikitungo.
 
Kailangang maging masigla sa pakikipag-usap lalo na sa kabiyak.

6. Pagiging bukas sa kausap (open-minded).

Ang pagiging bukas ang isipan sa kausap ay isang paraan upang maparamdam sa kausap na kaya mo pakinggan ang kaniyang saloobin.
 
Isa ito sa mga dahilan kaya madalas iniiwasan ilabas ng tao ang kaniyang saloobin sapagkat hindi niya nadarama ang pagiging bukas sa ibang tao.
 
Napakahalagang iparamdam natin ito sa ating kausap upang patuloy niya tayong pagkatiwalaan sa kaniyang nararamdaman.

7. Pagiging maintindihin (understanding).

Ang taong marunong umintindi ay madalas pagkatiwalaan ng tao sa kaniyang paligid. Madalas nailalabas ng tao ang kaniyang saloobin kung ang taong kausap nito ay marunong umintindi sa sitwasyon o nararamdaman ng kausap nito.
 
Isa rin ito sa mahalagang katangian na dapat nating magamit sa pakikipag-usap sa kapwa o sa ating pamilya man.
 
*Hango sa assignment ni Senna Micah L. Mañebog, isang mag-aaral
 
Mga Kaugnay na Assignment:
 
For STUDENTS' ASSIGNMENT, use the COMMENT SECTION here:
Komunikasyon sa Pamilya: Isang Essay
 

Sponsored Links