Mahalagang maunawaan ang mga konsepto tungkol sa paghubog ng kurso, layunin sa buhay, at personal na salik na nakakaimpluwensiya sa pagpili ng kurso. Mahalaga na magawa mo ang personal na pagtakda ng layunin para sa nais mong kurso batay sa resulta ng pagtataya sa iyong iba’t-ibang personal na salik.
Importante na ang katulad mong tinedyer ay magkaroon ng isang malinaw na ideya kung ano ang nais mong mangyari sa iyong buhay sa hinaharap, lalo na ang ukol sa nais mong maging propesyon, hanapbuhay, o karera sa hinaharap.
Sa lalong madaling panahon, ikaw ay patungo sa pagtatapos mo ng iyong pag-aaral, kaya makatutulong na isipin mo na ang iyong mga layunin sa buhay at ang mga tiyak na paraan kung paano mo makakamit ang mga ito.
Ang Pagtatakda ng Layunin sa Buhay
Mahalaga ang pagtukoy ng mga layunin sa buhay ng isang tao dahil ito ay maaaring maging gabay o direksyon sa kung ano ang nais niya na mangyari sa kanyang buhay. Ang mga layunin ay tumutulong upang magugol ng tao ang kaniyang buong buhay nang may katalinuhan at may saysay.
Isang katotohanan na ang mga pangarap ay nagbibigay sa mga tao ng kapurihan kapag nakamit ang mga ito.
Ang pagtatakda ng layunin ay tumutulong sa mga tao upang magkaroon ng pokus tungo sa ambisyon at maiwasan ang mga pagkagambala. Kapag maliwanag sa isang tao ang kaniyang mga layunin sa buhay o life goals, magagawa niyang makabalik sa tamang landas sa mga pagkakataong naliligaw siya.
Ang marami sa mga nagtagumpay na makamit ang kanilang mga layunin ay ang mga taong maaga pa ay pinili ang tamang mga layunin para sa kanila.
© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
Kaugnay: