ANG UNITED NATIONS: ISANG PAGPAPAKILALA

ANG UNITED NATIONS: ISANG PAGPAPAKILALA
(© 2014 ni Jensen DG. Mañebog)
 
Positibong resulta ng digmaan ang pagkakatatag ng United Nations (UN)—ang samahan ng nagkakaisang bansa na naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaunlarang panlipunan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
 
Ang UN ang humalili sa organisasyong League of Nations na nabuo pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig. (Kaugnay: Mga Dahilan ng Unang Digmaang Pandaigdig)
 
Nabuo ang panukalang pagtatatag ng United Nations sa pagpupulong ng Allies noong Pebrero 1945 sa Yalta, isang resort ng Soviet Union sa Black Sea.
 
Matapos makumpleto ang ginawang Konstitusyon ng samahan, pormal na itinatag ang United Nations noong ika-24 ng Oktubre 1945, sa pagitan ng 51 bansa na itinuturing na founding members. Umabot na sa 193 ang mga bansang kasapi nito. (Kaugnay: Epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig)
 
May apat na layunin ang United Nations:
(1) panatiliin ang pandaigdig na kapayapaan at seguridad;
(2) paunlarin ang mabuting pagsasamahan ng mga bansa;
(3) makipagtulungan sa paghahanap ng solusyon sa mga suliraning pandaigdig at sa pagtataguyod ng respeto para sa karapatang pantao;
(4) at maging sentro ng pagkakasundo ng mga bansa. Humahanap ang United Nations ng mga paraan upang solusyunan ang mga pandaigdigang labanan o tunggalian at bumabalangkas ng mga polisiya na may epekto sa buhay ng mga tao sa mundo.
 
Ang lahat ng kasaping bansa o estado sa United Nations—malaki man o maliit, mayaman man o mahirap, at iba’t iba man ang relihiyon, paniniwalang pulitikal, at sistemang panlipunan—ay mayroong boses at boto sa samahan. Ang United Nations ay nagsusumikap na itaguyod and mga karapatang pantao, bawasan ang kahirapan, bakahin ang mga sakit, at protektahan ang kapaligiran. (Kaugnay; Kapaligiran noon at ngayon)
 
Pinamumunuan din ng United Nations ang mga pandaigdigang kampanya kontra sa terorismo at paglaganap ng ipinagbabawal na gamot.
 
Ang Pagtatatag ng United Nations at UN Charter
Ang Mga Nagkakaisang Bansa (The United Nations; Organization of the United Nations; dinadaglat bilang UN) ay itinatag noong Oktubre 24, 1945 sa San Francisco sa America pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang United Nations ang pinakamalaking kapisanang pandaigdig sa mundo na umiiral para sa pangunahing layunin na panatilihin ang kapayapaan ng mga bansa. Ito ay nagreresolba ng mga suliranin sa paraaang hindi nakalalabag sa soberanya ng mga bansang kasapi nito.
 
Ang UN ang sumunod sa yapak ng Liga ng mga Bansa, isang organisasyong nabuo taong 1920. Ang aktuwal na himpilan ng United Nations ay matatagpuan ngayon sa Lungsod ng New York. Ang lahat ng mga bansang soberano na kinikilala ng pandaigdigang komunidad ay mga miyembro ng United Nations, maliban sa Vatican City, na isa lamang tagamasid, at ang Republic of China (dahil sa ang isa pang gobyerno sa China na People’s Republic of China ay kasapi na). Noong Setyembre 2003, ang UN ay mayroong 191 mga bansang kasapi.
 
Isa sa mga bukod tanging nagawa ng United Nations ay ang pagproklama sa Deklarasyong Unibersal ng mga Karapatang Pantao (Universal Declaration of Human Rights) noong 1948. Itinuturing ang United Nations bilang pinakaimportanteng poro para sa diplomasyang multilateral. Ito ay nilikha upang maipatupad ang mga internasyonal na batas, maisulong an gang pandaigdigang seguridad, pag-unlad ng ekonomiya, at pag-unlad sa lipunan, at mapangalagaan ang karapatang pantao ng mga mamayan sa mga bansa sa daigdig.
Ang United Nations ay naitatag bilang paraan para mapabuti ang pakikipag-usap ukol sa mga bumabangong sigalot sa layuning mapag-ayos ang mga sangkot alang-alang sa pagkakaroon ng kapayapaan. Dalawa sa mahalagang layunin na ipinaliliwanag sa Charter nito ay ang (1) respeto sa pantay na karapatan at self-determination ng lahat ng tao; at (2) ang internasyonal na pagtutulungan sa paglutas sa mga problema ukol sa ekonomiya, lipunan, at kultura sa buong mundo.
 
Estruktura ng United Nations
Nakabatay ang estruktura ng United Nations sa Charter nito na binubuo ng 111 artikulo. Ang mga artikulo ang naghahayag sa mga gawain ng organisasyon.
Ang gawain ng United Nations ay ipinapatupad sa buong mundo ng anim na organo nito:
 
1. General Assembly
Ipinaliliwanag at pinapasyahan ng General Assembly ang mga pandaigdigang isyu gaya ng ukol sa internasyonal na kapayapaan at seguridad. Ito rin ang bumubuo ng mga polisiya ng organisasyon. Lahat ng bansang miyembro ng United Nations ay kinakatawan sa General Assembly. Bawat bansa, mayaman o mahirap man, malaki o maliit, ay kapwa may isang boto. Ang pagpapasiya sa mga isyu ukol sa pandaigdig na kapayapaan at seguridad, pagtanggap sa bagong kasapi, at budget ng United Nations ay ginagawa ayon sa two-thirds majority vote. Ang ibang usapin ay dinidesisyunan sa pamamagitan ng simpleng mayoridad.
 
Ang mga kinatawan sa General Assembly ay may pananagutang dumalo sa mga pulong sa mga itinakdang araw nito. Ang regular na sesyon ay nag-uumpisa sa Setyembre at nagtutuluy-tuloy sa buong taon. Sa pagsisimula ng bawat regular na sesyon, nagkakaroon ng debate kung saan ang mga pinuno o kinatawan ng mga bansa ay maaaring magpahayag ng kanilang opinyon ukol sa iba’t ibang isyu gaya ng ukol sa digmaan, terorismo, mga sakit, at kahirapan. (Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sangguniin ang www.un.org/ga)
 
2. Security Council
Kung sa General Assembly ay maaring pag-usapan ang halos kahit anong usapin o problema, sa Security Council ay limitado ang paksa sa mga usaping kapayapaan at seguridad sa internasyonal na lebel na siya nitong pangunahing responsibilidad.
 
Ang Security Council ay binubuo ng 15 miyembro. Lima sa mga ito ay permanenteng miyembro – ang China, France, Russian Federation, United Kingdom, at United States. Ang 10 di-permanenteng kasapi ay hinahalal ng General Assembly para sa terminong di-hihigit sa dalawang taon, at batay sa pinagmulang bahagi ng mundo. Sa pagpapasya, bawat miyembro ng Security Council ay binibigyan ng isang boto. Pitong boto ang kailangan para maipasa ang isang resolusyon. Ganunpaman, ang limang permanenteng kasapi ay may kapangyarihang mag-veto ng ipinasang resolusyon.
 
Ang Security Council ay maaaring magrekomenda ng blockade o mga parusang pampinansiyal (financial sanctions) sa alinmang bansa na lumalabag sa mga internasyonal na batas. Maaari ring hilingin ng konseho sa United Nations na gumamit ng sandatahang lakas para maipatupad ang napagkaisahan. Hindi gaya ng League of Nations, ang United Nations ay may kakayahang magpatupad ng kaniyang desisyon sa mga miyembro nito. Bawat estadong kasapi ay nagbibigay ng pondo para sa gawaing pangmilitar ng samahan depende sa kakayahan ng bawat bansa. (Para sa karagdagang impormasyon, sangguniin ang www.un.org/docs/sc).
 
3. Economic and Social Council
Ang Economic and Social Council ay ang konseho para sa pag-uusap ukol sa mga isyu o problemang pang-ekonomiya, tulad ng ukol sa kalakalan, transportasyon, pag-unlad, at mga usaping panlipunan. Saklaw din ng konseho ang ukol sa kalusugan, edukasyon, at kultura ng mga kasaping bansa. Tumutulong din ang Economic and Social Council sa mga bansa sa pagtataguyod ng respeto para sa mga karapatang pantao sa buong mundo at sa pagsusulong sa posisyon ng kababaihan sa daigdig. May 54 na miyembro ang Council. Bawat kasapi ng konseho ay may isang boto.
 
4. Trusteeship Council
Nang maitatag ang UN noong 1945, mayroong 11 teritoryo (na ang karamihan ay nasa Pacific Ocean at Africa) na pinasailalim sa pamamahalang internasyonal at tinatawag na Trust Territories. Ang Trust Territories ay mga teritoryo o kolonyang isinailalim sa pamamahala ng isa o higit pang mga bansa batay sa komisyon ng United Nations.
 
Nilikha ng United Nations ang Trusteeship Council sa hangaring makapagtatag ng isang International Trusteeship System. Layon ng Trusteeship System na isulong ang pag-unlad ng mga mamamayan ng mga Trust Territories gayon din ang kanilang pagsulong patungo sa pagbuo ng kanilang nagsasariling pamahalaan o pagkamit ng ganap na kalayaan.
 
Ang Trusteeship Council ay kinabibilangan ng mga permanenteng miyembro ng Security Council (ang China, France, Russian Federation, United Kingdom at United States). Pangunahing responsibilidad ng Trusteeship Council na bantayan ang pamamahala sa Trust Territories na nasa ilalim ng Trusteeship System.
 
5. International Court of Justice (ICJ)
Itinatag noong 1946, ang International Court of Justice ang siyang pangunahing sangay ng United Nations na nagbibigayng  hatol sa mga legal na usapin. Inaayos nito ang mga legal na sigalot na ipinasa ng mga estado at nagbibigay ng advisory opinion sa mga legal na katanungan na ipinasa rito ng mga awtorisadong internasyonal na sangay, ahensiya, at ng UN General Assembly. Mga bansa, at hindi mga indibidwal, ang maaaring maglagak ng kaso sa International Court. Kailangang tanggapin ng bansang naglagak ng kaso ang anumang desisyon ng ICJ.
 
Matatagpuan ang International Court sa Peace Palace, sa The Hague, Netherlands. Binubuo ang ICJ ng 15 hurado na inihalal ng General Assembly at ng Security Council. Hindi maaaring mangggaling sa iisang bansa ang higit sa isang hurado. Lahat ng miyembro ng UN ay kabilang sa International Court at kinakailangang umayon at sumunod sa desisyon ng ICJ. Lahat ng desisyon ng ICJ ay pinal o hindi na maaaring i-apela.
 
6. Secretariat
Ang Secretariat ng United Nations, na pinamumunuan ng Secretary-General, ay binubuo ng mga kawaning internasyonal na nagtatrabaho sa United Nations Headquarters sa New York at sa mga duty station na nasa Addis Ababa, Bangkok, Beirut, Generva, Nairobi, Santiago, at Vienna. Ang Secretariat ang tumutugon sa pang-araw-araw na aktibidad ng organisasyon. Ang mga gampanin nito ay sindami ng mga isyung kinakaharap at tinutugunan ng United Nations—mula sa pamamahala sa mga peacekeeping operations hanggang sa pagpapagitna sa mga internasyonal na sigalot at pagsubaybay sa mga kaganapan at problemang panlipunan at pang-ekonomiya sa mundo. Bahagi ng responsibilidad ng Secretariat na pagsilbihan ang lahat ng sangay ng United Nations at pangasiwaan ang mga polisiya at programa ng mga ito.
 
Ang Secretary General ay itinatalaga ng General Assembly mula sa rekomendasyon ng Security Council. Ang itinalagang Secretary-General ang punong tagapagpatupad o Chief Administrative Officer ng United Nations. Siya ay inaasistihan ng maraming kawani ng international civil servants. Hindi gaya ng mga diplomatiko na kumakatawan sa isang partikular na estado, ang mga civil servants ay nagtatrabaho para sa lahat ng kasaping bansa at sumusunod sa Secretary-General sa halip na sa kani-kaniyang pamahalaan.
 
Ang United Nations Relief and Rehabilitation Administration (UNRRA)
Ang United Nations Relief and Rehabilitation Administration (UNRRA) ay isang internasyunal na relief agency, na kumakatawan sa 44 bansa sa pangunguna ng Estados Unidos. Itinatag noong 1943, ito ay naging bahagi ng United Nations noong 1945, subalit nagsara ng operasyon noong 1947.
 
Naglalayon itong "magplano, mag-coordinate, mangasiwa o mag-ayos para sa pangangasiwa ng mga hakbang para sa kaginhawaan ng mga biktima ng digmaan sa anumang lugar sa ilalim ng kontrol ng United Nations sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pagkain, gasolina, pananamit, tirahan at iba pang mga pangunahing pangangailangan, medikal at iba pang mahahalagang serbisyo". Ang mga kawani at mga sibil na tagapaglingkod nito ay binubuo ng 12,000 katao, na may punong-tanggapan sa New York. Ang pondo ay nagmula sa maraming bansa, at umabot sa $ 3.7 bilyon, kung saan ang Estados Unidos ay nag-ambag ng $ 2.7 bilyon; ang Britain, $ 625 milyon; at ang Canada, $ 139 milyon.
 
Ang United Nations Peacekeeping
Ang Peacekeeping ng United Nations ay isang papel na ginagampanan ng Department of Peacekeeping Operations bilang "isang natatangi at dynamic na instrumento na binuo ng organisasyon bilang isang paraan upang matulungan ang mga bansa na nasira ng mga labanan upang lumikha ng mga kondisyon para sa pangmatagalang kapayapaan."
 
Sinusubaybayan ng mga tagapamayapa ang mga proseso ng kapayapaan sa mga post-conflict na dako at tinutulungan ang mga ex-combatant sa pagpapatupad ng mga kasunduan sa kapayapaan na kanilang nilagdaan. Ang ganitong tulong ay may iba't ibang anyo, kabilang ang mga panukala sa pagtatatag ng kumpyansa, mga paghahanda sa pagbabahagi ng kapangyarihan, suporta sa elektoral, pagpapalakas sa panuntunan ng batas, at pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad. Kaugnay nito, ang mga UN peacekeepers (madalas na tinatawag na Blue Berets o Blue Helmets dahil sa kanilang mga light blue berets o helmet) ay maaaring magsama ng mga sundalo, pulis, at mga tauhan ng sibilyan. (© 2014 by Jensen DG. Mañebog)
 
Kaugnay: Buod ng Unang Digmaang Pandaigdig
 
TANONG PARA sa TALAKAYAN:
Nakatutulong ba ang United Nations sa Pilipinas? Patunayan ang iyong sagot. Use hashtags: #UnitedNatinos #TCW #JensEnismo #[YourCityOrTown]
 

For STUDENTS' ASSIGNMENT, use the COMMENT SECTION here: Organization of American States

 

Subjects:

Sponsored Links