Kasanayang Pampagkatuto:
Nakakagagawa ng mga papuri/apirmasyon na nakatutulong upang siya ay maging kanais-nais at handa sa pagdadalaga/pagbibinata
Aminin man natin o hindi, madalas na kinakausap natin ang ating sarili. Sa marami, karaniwang mga negatibo ito kaysa positibo. Subalit, hindi ito makabubuti para sa atin at ito ay dapat mabago.
Ang mga apirmasyon ay dinisenyo upang baguhin ang ating paniniwala sa ating mga sarili na humahantong sa positibong pananaw.
Ang ating mga saloobin ay karaniwang humahantong sa ating mga ikinikilos at ito naman ay lumilikha ng ating realidad.
Kung lagi nating sinasabihan ang ating sarili ng mga negatibong isipin, mas madalas kaysa hindi, kikilos tayo ng negatibo at ito ang magiging katotohanan natin.
Maliban sa pagbibigay sa atin ng magandang pakiramdam, ang mga apirmasyon ay naggaganyak sa atin, nagpapahusay ng kalidad ng ating buhay sapagkat may mga pag-aaral na nagpapatunay na ang mga taong nagsasanay ng positibong apirmasyon ay nagiging mas masaya, mas positibo, at may malinaw na pananaw sa buhay.
Ilang halimbawa ng self-affirmation
Narito ang ilang halimbawa ng
self-affirmation, kalakip ng ilang paliwanag, mula sa lektura ng Filipinong propesor na si
Jensen DG. Mañebog:
1. Ako ay espesyal.
Mahalaga ako sa tingin ng aking Manlilikha at sa mata ng iba pang mga nagmamahal sa akin. Mamahalin ko, kung gayon, ang aking sarili at gagawa ako ng mga bagay na mahahalaga o espesyal. Babahagi ako sa ikabubuti ng aming pamayanan.
2. Kontento ako sa kung ano ang mayroon ako.
Ang tagumpay ay nasusukat hindi sa pagkakamit nang lahat ng mga bagay na nais ko kundi sa pagiging maligaya ko sa kung ano ang mayroon ako. Tanggap ko ang aking mga kapintasan. Gagawin ko ang buo kong makakaya sa pagkamit ng aking pangarap. Matututo akong masapatan sa bunga ng ginawa kong pagsisikap.
3. Tutulong ako sa paglikha sa aking sarili.
Bagama’t alam kong ang Diyos ang lumikha sa akin, maraming bagay sa aking sarili ang poproyektuhin ko, sa tulong ng Diyos. Nakasalalay rin sa aking pagsisikap kung makatatapos ako ng pag-aaral o hindi. Kalakip ng awa ng Diyos, nasa aking mga pagpapasya ang ikapagkakaroon ko ng magandang bukas.
4. Pinipili ko ang buhay.
Kakapit ako sa buhay. Kahit mahirap ang mabuhay, nabibigo, at may pagkakataong nasusugatan ang aking damdamin, pipiliin ko pa ring ituloy ang buhay na biyaya sa akin ng Panginoon.
5. Totoo ako sa aking sarili.
Iiwasan ko ang pagpapanggap. Ang mabuhay sa kasinungalingan ay pamumuhay nang walang kapanatagan. Hindi ko dadayain ang aking sarili, bagkus ay magpapakatotoo ako.
6. Mabubuhay ako sa wastong kondukta at kagandahang-asal.
Magpapakatao ako. Tatandaan ko na bilang tao, ako ay isang moral na nilalang. Hindi tulad ng mga hayop, dapat kong sundin ang mga makatwirang batas at mayroon akong mga obligasyong moral.
7. Hindi ko minamaliit ang aking sarili.
Kung ako ay mahina, natatakot, kinakabahan, at nag-aalala, tatandaan ko na maraming tao ang katulad ko. Maghahanda at magsasanay ako para sa mga labanan sa buhay. Mananalangin ako at papanatag.
8. Binabantayan ko ang aking sarili sa pagkagalit.
Babantayan ko ang aking sarili mula sa pagka-stress dahil sa galit. Sisikapin ko na magkakaroon ng magandang pananaw sa buhay sa kabila ng mga hindi kanais-nais na mga pangyayari sa aking paligid.
9. Pinananatili ko ang kalusugan ng aking katawan.
Maraming bagay ang hindi ko magagawa kung ako ay may sakit. Kaya hindi ko aabusuhin ang aking sarili. Iiwasan ko ang mga bagay na makapagdudulot sa akin ng sakit.
10. Pinararangalan ko at sinasamba ang Diyos.
Likas kong pananagutan na paglingkuran at sambahin ang lumalang sa akin. Susundin ko ang kaniyang mg utos at kalooban. Ipagpapauna ko Siya sa aking buhay. Ang Kaniyang awa at paggabay ay kailangan ko upang magtagumpay.
Aktibidad: ‘Ipihit sa Positibo’
Layunin:
Ang gawaing ito ay naglalayon upang tulungan ang mga nagbibinata/nagdadalaga na makagawa ng papuri/apirmasyon na makakatulong sa kaniyang pinagdaraanan.
Materyales:
Panulat (ballpen), bond paper o papel, manila paper, pentel pen
Pamamaraan:
Ang mga mag-aaral ay hahatiin sa grupo. Bawat miyembro ng grupo ay magtatala ng kanilang mga pagkakamali, kabiguan, kahinaan, at mga kahadlangan sa tagumpay nila sa buhay. Isusulat nila ito sa isang papel ngunit hindi ilalagay ang kanilang mga pangalan.
Pagkatapos, ang mapipiling lider ng grupo ay kukuhanin ang mga papel at pagsasama-samahin. Sa grupo ay babasahin ang mga naisulat at pag-uusapan kung paanong gagawing positibo o babaligtarin ang mga negatibong inilista nila at kung paanong mapapaunlad ang mga sarili para magkaroon ng positibong pananaw.
Ilalagay sa manila paper ang mga napag-usapan at ipapakita sa klase.
Halimbawa:
Hindi ako pasado sa isang asignatura ko. Mahina ako sa Math.
Solusyon: Kaya ko ring pumasa gaya ng iba. Mag-aaral akong mabuti; hindi ko katatakutan ang Math.
Talakayan/Pagbabahagi:
Ang bawat lider ng grupo ay tatayo sa harap upang ipakita at ipaliwanag ang ginawa ng kanilang grupo.
1. Mahirap bang magtala ng mga negatibong bagay sa buhay?
2. May natutunan ka ba sa talakayan ninyo ng mga kagrupo mo? May napansin ka bang tila nagkakatulad rin ang mga negatibong bagay sa buhay ninyo?
3. Posible bang gawing positibo ang mga bagay na negatibo?
Copyright © by Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com
SA MGA GURO: Maaari itong gawing reading assignment ng inyong mga mag-aaral
Kaugnay:
Basahin din: