Ang Mga Bumubuo ng Komunidad

Ang komunidad ay binubuo ng mga taong naninirahan rito, naghahanapbuhay at nagbibigay ng serbisyo.
 
Gayundin, ang mga institusyon at iba pang istrukturang panlipunan ay mga bahagi rin ng isang komunidad. (Basahin: Mga Bumubuo ng Komunidad)

Mga Taong Naninirahan sa Komunidad

Ang isang komunidad ay hindi ituturing na komunidad kung wala ang mga taong nakatira rito. Pangunahing mga kasapi ng isang komunidad ang mga indibidwal , mga pamilya at mga mag-anak. Sila ang sinasabing puso ng komunidad.
 
 
Bahagi ng komunidad ang lahat ng taong naninirahan dito, nag-aaral, naghahanapbuhay at nagbibigay ng serbisyo para sa kaunlaran nito tulad ng mga doktor, nars, inhinyero at iba pa. Basahin: Ang Pagbibigay Serbisyo/Paglilingkod ng Komunidad at Karapatan ng Bawat Kasapi
 
Ang mga tao sa komunidad ay maaaring nagmula sa iba’t-ibang panig ng mundo at may iba’t-ibang grupong etniko. Pinili nila ang isang komunidad sa iba’t-ibang kadahilanan at pangunahin na ang mapagkukunan ng pangkabuhayan, at matutugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
 
Iba’t-ibang uri ng mga tao ang naninirahan sa isang komunidad. Mayroong mga mayayaman, mga ordinaryong tao, tanyag na personalidad tulad ng mga artista, pulitiko at iba pa.
 
Itinuturing na yaman ng isang komunidad ang mga taong nakatira rito. Ang bawat isa ay may talento na makatutulong sa kaunlaran nito.

Mga Institusyon sa Komunidad

Ang komunidad ay binubuo ng mga taong naninirahan rito – indibidwal, pamilya o mag-anak. Subalit tangi rito, may mga institusyong matatagpuan din sa isang komunidad tulad ng pamilya, paaralan, simbahan/sambahan/mosque, ospital, pamilihan, bahay pamahalaan/ tanggapan ng barangay at pook libangan na tumutulong tugunan ang mga pangangailangan ng mga kasapi nito. (Basahin: Ang Mga Institusyon sa Komunidad: Kahulugan at Mga Halimbawa)

Mga Istrukturang Panlipunan sa Komunidad

- Sa isang komunidad, maliban sa institusyon, mayroon pang ibang istrukturang panlipunan na nagsisilbing modelo ng ugnayan sa pagitan ng mga tao sa isang komunidad. Ang mga ito ay kultura, social status, roles at social groups.
 
Ang mga istrukturang panlipunan ay kabilang din sa komunidad.
Ano ang Istrukturang Panlipunan? Ang istrukturang panlipunan ay mga modelo ng ugnayan sa pagitan ng mga tao sa isang komunidad. Ang mga pangunahing sangkap nito ay:
 
1. KULTURA o culture- Ito ay mga katangian at kaalaman ng isang partikular na pangkat ng tao sa komunidad. Kasama dito ang paniniwala, pagpapahalaga, pag-uugali ukol sa wika, relihiyon, lutuin, musika, sayaw, at sining.
 
hal.: Ang mga kapampangan ay kilala sa galing sa pagluluto ng iba’t-ibang putahe

Kaugnay: Mga Proyekto o Gawaing Nagpapaunlad sa Natatanging Pagkakilanlan ng Komunidad

 
2. STATUS o katayuanIto ang posisyong kinabibilangan ng isang tao sa komunidad o ang kaniyang pagkakakilanlan.
hal.: doktor, tatay, nanay, presidente
 
3. ROLES o Mga GampaninIto ang  mga obligasyon o tungkuling inaasahan ng komunidad sa isang tao na kaugnay ng kaniyang posisyon.
 
hal.:  doktor – tungkuling gumamot ng maysakit
                     arkitekto – tungkuling gumawa ng plano ng bahay
                     guro – tungkuling magturo sa mga bata
 
4. SOCIAL GROUP o grupong panlipunan ito ay pangkat ng dalawa o higit pang tao na may magkakatulad na katangian at bumubuo ng ugnayan.
 
hal. pamilya, kamag-anak, kaibigan, kapitbahay
Ang istrukturang panlipunan ay batayan at panggabay sa mga pag-uugali ng mga tao. Ang mga ito ay nagpapanatili ng kaayusan sa komunidad sa pamamagitan ng paglimita, paggabay at pag-aayos ng ugali ng mga taong kasapi nito.
 
Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com
 

Para sa mga komento, gamitin ang comment section dito

Sponsored Links