Importanteng ating nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon.
Sa mga mag-aaral, isa ito sa mga paksang tinatalakay sa araling Mga Kontemporaryong Isyu. Ang pagsusuri sa dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon ay isang bago, subalit mahalagang paksa o isyu ng talakayan.
Epekto ng globalisasyon
Ayon sa lektura at pagtalakay ni Prof.
Jensen DG. Mañebog, ang mga sumusunod ang ilan sa mga epekto ng globalisasyon:
1. Mga epektong pang-ekonomiya
Dahil sa globalisasyon, nabuwag ang mga hadlang sa kalakalan, nagsama-sama ang pangunahing mga stock market sa daigdig, at naging mas mura at madali ang paglalakbay.
Naging pare-parehong interes ng mga bansa na padaliin ang pagtatawid ng mga kalakal at serbisyo dahil na rin sa pangangailangan sa mga internasyunal na transaksiyon bunsod ng globalisasyon.
Ang mga ito ay nagbunga ng pagkakalikha ng maraming paggawaan, merkado, oportunidad sa trabaho, mga produktong kalakal at negosyo, at mga transaksiyong pangnegosyo.
2. Mga epektong pang-estado o pambansa
Dahil na rin sa globalisasyon, ang mga bansa ay naengganyong sumapi sa mga internasyonal na organisasyon tulad ng International Monetary Fund (IMF) o ng World Bank (WB).
Ito ay nagbibigay sa mga member-state ng ilang mga uri ng proteksiyon sa kanilang ekonomiya lalo na kapag dumaan sa problemang pinansiyal.
Ngunit sa kabilang dako, ang pagkakaugnay (interconnectedness) na ito ay maaari ding magkaroon ng negatibong epekto tulad ng naobserbahan kamakailan nang magkaroon ng economic crisis.
3. Mga epektong pang-gobyerno o pampamahalaan
Mapapansing nagkaroon ng mga bago at mas kumplikadong gampanin ang mga gobyerno o domestikong pamahalaan dahil sa globalisasyon.
Bunga ng globalisasyon, dumami rin ang mga kaso o sigalot sa pagitan ng mga partido sa mga kontrata o kasunduan (contracting parties) na dapat dinggin o ayusin ng pamahalaan.
Naging bahagi ng pananagutan ng mga gobyerno ng mga legal na sistema na poprotekta sa pribadong pagmamay-ari ng ari-arian (private ownership of property).
4. Mga epektong pampolitika at panlipunan
Epekto ng globalisasyon ang pagkakaroon ng mga tensiyon sa pagitan ng mga estado. Sapagkat mas dumami at dumalas ang interaksiyon sa pagitan ng mga bansa dahil sa globalisasyon, ang natural na epekto ay ang mga hindi pagkakaunawaan sa maraming bagay, bunga na rin ng mga nagbabanggaang mga interes.
Nagkaroon din ng mga suliranin na may kinalaman sa karapatan sa paggawa, karapatang pantao, mga karapatan ng mga mamimili, at iba pang kayuri ng mga ito.
Bilang halimbawa, ang kompanyang NIKE ay siniyasat nuon ng mga NGO dahil sa diumano ay may poor labor condition sa mga pabrika nito sa ilang mga bansa.
5. Mga epektong pangkultura
Mahalaga ang ginagampanang papel ng globalisasyon, gamit ang media, sa amalgamasyon o tila pag-iisa ng mga bansa. (Basahin: Ang Pagkakakilanlang Kultural ng Komunidad)
Lalo na kung popular ang isang media event at malakas o makapangyarihan ang gamit na media format, mabisang nalilikha ang isang global na komunidad o ang pakiramdam na ang mga tao, saanman naroroon, ay tila nabibilang sa iisang komunidad lamang.
6. Mga epektong pang-edukasyon
Ang globalisasyon ay salik sa pagrebisa sa mga nilalaman at uri ng edukasyono kurikula na iniaalok ngayon ng mga paaralan.
Mapapansin na maramingeskwelahan sa ngayon, lalo na ang mga pribado, ang kumikiling sa pag-aalok ng edukasyong internasyonal.
Dahil pinabilis at pinadali ng globalisasyon ang migrasyon, ang mga akademikong institusyon ay mayroon na ring mga programa para sa mga banyagang mag-aaral.
Dahil sa globalisasyon, nagkaroon din ng distance education at ng iba pang bagong anyo ng edukasyon.
7. Mga epektong pang-ekolohiya
Masasabi rin na dahil sa globalisasyon, nagkaroon ng paglilipat-lipat o pagkalat ng ilang species at mga sakit sa maraming bahagi ng mundo.
Para sa mga Guro: Maaari itong i-share bilang reading assignment ng mga mag-aaral.
Para sa mga makabuluhang
free lectures gaya nito, sangguniin ang:
Homepage: Mga Kontemporaryong Isyu
Mga libreng lektura para sa mga MELC:
MELC 6: Nasusuri ang dahilan, dimensyon at epekto ng ng globalisasyon