Pamahalaang Sentral at Lokal sa Pilipinas: Noon at Ngayon

Pamahalaang Sentral at Lokal sa Pilipinas: Noon at Ngayon

Pag-aralan natin ang kaibahan ng Pamahalaang Sentral at Pamahalaang Lokal at ang patakarang pampolitika sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol. (Kaugnay: Ang Pamahalaan at ang Pamumuno sa Komunidad)

Pamahalaang Sentral

Ang Pamahalaang Sentral (central government/sentral na pamahalaan) ay pamahalaang binubuo ng lahat ng administratibong departamento ng estado (o bansa) at iba pang sentral na ahensya na ang mga responsibilidad ay sumasaklaw sa buong pang-ekonomiyang at pampulitikang teritoryo ng isang bansa.

Sa ilang bansa na nagpapairal ng pamahalaang sentral, ang hindi lamang saklaw nito ay ang pangangasiwa ng mga pondo ukol sa social security.

Pamahalaang Lokal

Sa kabilang banda, ang Pamahalaang Lokal ay ang pamahalaan ng isang partikular na lokal na lugar na bumubuo ng isang bahagi o subdibisyon ng isang pangunahing yunit pampulitika (tulad ng isang bansa o estado).

Sa Pilipinas halimbawa, ang yunit ng pamahalaan sa mga lalawigan, bayan, siyudad, at barangay ay itinuturing na pamahalaang local (local government).

Pamahalaan sa Pilipinas bago dumating ang mga Espanyol

Sa kasaysayan, bago pa dumating ang mga Kastila, ang mga Pilipino ay may kani-kaniyang paraan na ng pamamalakad sa mga tao at teritoryong kanilang nasasakupan. Kahit na hindi pa buo noon ang Pilipinas bilang isang bansa, ang mga nakatira rito ay maayos na namumuhay at napamamahalaan.

Nang dumating ang mga kolonisador na mga Kastila, maraming pagbabago sa paraan ng pamamahala ang ipinairal. Ang mga Pilipino ay napasailalim sa kapangyarihan ng pamahalaang Kastila at sa mga batas at Sistema ng pamahalaan na ipinatupad ng mga mananakop. (Kaugnay: Ang Tatlong Sangay ng Pamahalaan ng Pilipinas: Ang Balangkas o Istruktura ng Gobyerno)

Pagbabago sa Panahanan at Pamahalaang Sentral sa Panahon ng Kolonyalismo

Tuluyan na ngang nabago ang sistemang barangay sa bansa at ipinatupad ng mga mananakop ang pamahalaang sentral o sentralisado. Dahil dito ay nagbago rin ang kanilang panahanan.

Narito ang ilan sa mga naging pagbabago:

Ipinatupad ang patakarang reduccion na naging simula ng pagtatatag ng mga pueblo na nagpabago sa mga panahanan ng mga mamamayan sa bansa.

Naglagay sa bansa ng kinatawan ng hari ng Espanya—ang Gobernador-Heneral na siyang pinakamataas na pinuno sa Pilipinas bilang kolonyang bansa. Ganunpaman, upang bantayan ang pamamahala ng Gobernador-Heneral, nilikha ng hari ang residencia at visitador.

Ang residencia ang sumisiyasat sa lahat ng mga opisyal at kawani ng kilonyal na pamahalaan kung sila ay naging matuwid at mabuti sa paglilingkod sa kolonya sa pagtatapos ng kanilang pamamahala.

Sa kabilang dako, ang visitador ang lihim na ipinadadala ng hari upang subaybayan at siyasatin ang pamumuno ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan habang sila ay namumuno sa kolonyang bansa.

Ang Royal Audiencia ang siyang kataas-taasang Hukuman na nilikha upang ang mga katiwalian at pagmamalabis sa pamahalaan ay malapatan ng disiplina o parusa.

Mga Pamahalaang Lokal sa Panahon ng Kolonyalismo

May mga maituturing din naman na pamahalaang local (local government) sa panahon ng mga Kastila sa bansa.

Sa mga probinsiya, ang pamahalaang panlokal ay binubuo ng Alcadia at Corregimiento. Ang Alcalde Mayor ang namumuno sa Alcadia habang ang Corregidor ang namumuno sa Corregimiento.

Sa mga lunsod o siyudad, ang pamahalaang panlikal ay binubuo ng  Ayuntamiento. Ito ay pinamumunuan ng Alcalde Ordinario.

Sa panahon ng Kastila, ang mga lalawigan ay hinati-hati sa Pueblo na pinamumunuan ng Gobernadorcillo. Ang mga barangay na pinakamaliit na yunit ng pamahalaang lokal ay pinamumunuan ng Cabeza de Barangay.

Related: Ang Sanhi at Epekto ng Political Dynasties sa Pagpapanatili ng Malinis at Matatag na Pamahalaan

Copyright © Celine De Guzman/OurHappySchool.com

 

Para sa mga komento, gamitin ang comment section sa: Ang Imperyalismo sa Pilipinas: Kasaysayan at Kahulugan

Sponsored Links