Mga Pagkain o Lutuing Ipinagmamalaki sa mga Rehiyon sa Pilipinas

Mga Pagkain o Lutuing Ipinagmamalaki sa mga Rehiyon sa Pilipinas

Ang mga komunidad, bayan, lalawigan, o rehiyon sa ating bansa ay nakikilala rin dahil sa kanilang mga pagkain. Isa ito sa pagkakakilanlang kultural ng komunidad.

Mahilig ang mga Pilipino sa pagkain. Ang mga lutuing Pilipino ay mayroong impluwensiya ng maraming kultura tulad ng Malay, Tsino, Espanyol, at Amerikano. Bagaman, Sa kabila nito, nananatiling natatangi ang mga pagkaing Pilipino.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga kilalang pagkain o lutuin ng mga Pilipino:

Adobo

Ang Adobo ay isang putaheng karne na tinimplahan ng suka, toyo, bawang at paminta.  Sa ating bansa, iba’t-iba ang paraan ng pagluluto ng adobo subalit ang pinakapangunahing sangkap nito ay suka.

Karaniwang karne ng baboy o manok ang ginagawang adobo subalit mayroon ding gulay na ginagawang adobo tulad ng adobong sitaw at adobong kangkong. Ang iba naman ay gumagawa ng adobong pusit.

Sinigang

Ang Sinigang ay isang masarap na sabaw ng mga Pilipino. Ito ay karaniwang pinaasim ng sampalok, bayabas at calamansi. Ang iba ay gumagamit ng ibang pampampaasim tulad ng kamias at pakwan. Karaniwang karne ng baboy ang isinisigang subalit mayroon ding isinisigang na manok, isda at ibang seafoods. Ang iba pang sangkap ay kamatis, sili at mga gulay tulad ng petsay, beans at kangkong.

Lechon

Lalong sumikat ang lechon ng mga Pilipino nang pangalanan ito ng isang sikat na chef na si Anthony Bourdain bilang “the best pig ever”. Sinasabing ang pangalang lechon ay nagmula sa salitang Kastila na “lechona” na ibig sabihin ay biik na sumususo pa sa ina. Sa mga handaan, ang lechon ang tila pinakasikat at inaabangan.

Sa pagluluto ng lechon, inihahanda ang baboy sa pamamagitan ng pagbababad nito sa ibat ibang sangkap tulad ng asin, paminta, toyo at iba pa. Ang iba ay naglalagay pa ng tanglad, bawang, sampalok at sibuyas. Ito ay iihawin nang mabagal sa loob ng maraming oras. Karaniwang isinasawsaw ito sa sarsang gawa sa atay ng baboy subalit sa ibang lugar tulad ng Cebu, ang kanilang sawsawan ay toyo at suka.

Kaldereta

Ang kaldereta ay isa pang ulam na madalas makita sa mga handaan ng mga Pilipino. Ito ay nagmula sa salitang Kastila na caldera o cauldron na lalagyang pinaglulutuan ng nilaga. Karaniwang kambing ang ginagamit na karne para rito subalit madalas ay karne ng baka o baboy ang ipinapalit. Ang karne ay pinalalambot ng matagal sa loob ng mahabang oras kasama ang kamatis, toyo, bell pepper at patatas. Ang iba ay naglalagay ng gata o di kaya ay keso.

Kare-kare

Ang kare-kare ay isang sikat na lutuing Pilipino. Ito ay karneng nilaga sa peanut butter at annatto seeds o buto ng atsuete na siyang nagbibigay ng lasa dito at sa madilaw na kulay nito. Ang karaniwang ginagamit na karne ay karne ng baka, tuwalya ng baka, o pata ng baboy. Subalit sa kasalukuyan ay maraming bersyon na ang kare-kare. Mayroong seafood karekare o di kaya ay vegetable karekare para sa mga vegetarian. Ang gamit na sawsawan para rito ay ginisang bagoong alamang.

Sisig

Isa pang tanyag na ulam tulad ng adobo ang sisig. Ito ay sinasabing orihinal na lutuin ng mga kapampangan. Ayon sa mga kapampangan, aksidenteng naimbento ang sisig ni “Aling Lucing” Cunanan na tinaguriang “Sisig Queen”. Nasunog niya ang tenga ng baboy habang iniihaw at dahil ayaw niya itong masayang, hiniwa niya ito at nilagyan ng ibang sangkap. Ito ay nagbunga sa putaheng sisig.

Karaniwang sangkap ng sisig ay tenga at ulo ng baboy na pinigaan ng calamansi at nilagyan ng sibuyas, toyo at sili. Inihahain ito gamit ang  “sizzling plate” at ipapareha sa mainit na kanin.

Bulalo

Ang Bulalo ay isang sabaw ng utak ng baka na pinakuluan kasama ng maraming sangkap. Karaniwang nilalagyan ng sibuyas, bawang, paminta at asin. Ang lutuing ito ay katutubo sa Timog Luzon. Sinasabing ito ay nagmula sa Batangas kung saan maraming bersyon ng lutuing ito. Ang iba naman ay nagsasabing ito ay mula sa Tagaytay kung saan maraming magandang kalidad ng baka.

Laing

Ito ay isang lutuin ng mga Bikolano na ang tampok na sangkap ay dahon ng gabi na may kasamang karne o seafood na niluto sa gata ng niyog. Isa itong sikat na lutuin doon dahil na rin sagana sila sa niyog. Nilalagyan ito ng sili, luya, bawang at tanglad. Ito ay karaniwang ipinapareha sa mainit na kanin.

Tinolang Manok

Ang Tinolang Manok ay kilalang sabaw at pangunahing ulam ng mga Pilipino. Gawa ito sa mga piraso ng manok na ginisa sa bawang, luya, sibuyas, patis at pakukuluan sa mahinang apoy. Tradisyonal na hilaw na papaya ang inilalagay na gulay subalit ipinapalit ang sayote kung wala ito. Nilalagyan din ito ng dahon ng sili o dahon ng malunggay bago hanguin.

Pancit

Isa sa mga karaniwang handa at mahalagang bahagi ng okasyon ng mga Pilipino ang pancit. Malaki ang impluwensiya ng mga Tsino sa lutuing ito. Maraming uri ng pancit na inihahain tulad ng Pancit Bihon (maninipis na bihon noodles), Pancit Canton (makapal na egg noodles) at Pancit Sotanghon (manipis na glass noodles) at iba pa.

Ang karaniwang pagluto nito ay paggisa sa bawang, sibuyas at toyo at lalagyan ng karne o hipon at mga gulay tulad ng repolyo, carrots at iba pa. Sa ibang lugar, ay ginagawang may sabaw naman ang pancit tulad ng mami.

Pinakbet

Sa Rehiyon ng mga Ilokano, kilalang kilala ang pinakbet. Ito ay ulam na gulay at ginagamitan ng bagoong o fermented shrimp paste. Ang karaniwang mga sangkap nito ay talong, okra, ampalaya, sili at kalabasa. Ginigisa ito sa sibuyas at bawang. Sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay may kani-kaniyang bersyon ng pagluluto nito.

Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com

 

Sa mga mag-aaral:
Gamitin ang COMMENT SECTION dito: Anyong Lupa at Tubig: Mga Tanyag sa Pilipinas

 

Sponsored Links