Ang mga Anyong Lupa at Tubig sa Komunidad sa Pilipinas

Ang mga Anyong Lupa at Tubig sa Komunidad sa Pilipinas

Sa kapaligiran ng komunidad ay matatagpuan ang iba’t ibang anyong lupa at anyong tubig.

Ano ang mga anyong lupa?

Ang mga anyong lupa ay ang mga likas na katangian ng ibabaw ng mundo na dulot ng mga puwersa ng kalikasan tulad ng hangin, yelo, tubig at paggalaw ng ilalim ng lupa.

ANYONG LUPA

Ang mga sumusunod ay ang iba’t-ibang uri ng mga anyong lupa:

Kapatagan (plain)

Ito ay patag at malawak na lupain. Karaniwang tinataniman ito ng palay at iba’t-ibang uri ng gulay at pananim. Sa ating bansa, maraming matatagpuang kapatagan lalo na sa Gitnang Luzon.

Halimbawa: Kapatagan sa Nueva Ecija at Tarlac

Bundok (mountain)

Ito ay bahagi ng lupa na nakataas o nakausbong.

Halimbawa: Mt. Kanlaon, Mt. Arayat

Bulubundukin (mountain range)

Ito ay maraming bundok na magkakatabi at magkakahanay. Mas mataas at matarik ito kaysa bundok.

Halimbawa: Cordillera, Sierra Madre

Bulkan (volcano)

Ang bulkan ay isa ring bundok subalit ito ay maaaring makapaglabas ng “lava”. Hindi lahat ng bulkan ay aktibo. Mayroong ibang tahimik lamang at hindi sumasabog.

Halimbawa: Mt. Mayon, Mt. Pinatubo

Burol (hill)

Ang burol ay isang bundok na higit na mas mahaba at pabilog. Madalas na kulay luntian ito sa panahon ng tag-ulan at kulay tsokolate sa tag-araw.

Halimbawa: Chocolate Hills sa Bohol, Himontagon Hills sa Loay, Bohol

Pulo (island)

Isa itong anyong lupa na napapaligiran ng tubig.

Halimbawa: Palawan Island, Cagayan Island

Lambak (valley)

Ito ay isang patag na lupa na nasa kalagitnaan ng mga bundok. Gaya ng kapatagan, nagagamit ang anyong lupang ito na taniman ng mga gulay, mais at iba pang pananim.

Halimbawa: Compostela valley, Trinidad valley

Talampas (plateau)

Ang talampas na kilala rin sa tawag na mesa ay ang kapatagan sa itaas o tuktok ng bundok.

Halimbawa: Baguio, Bukidnon

Tangway (peninsula)

Ang tangway ay isa rin sa mga anyong lupa. Ito ay lupa na nakausli nang pahaba at may tubig sa paligid ng tatlong sulok nito.

Halimbawa: tangway ng Zamboanga, tangway ng Bataan

ANYONG TUBIG

Ano naman ang anyong tubig?

Ang anyong tubig ay ang akumulasyon ng tubig sa ibabaw ng mundo.

Ang mga sumusunod ay ang ilang halimbawa ng anyong tubig:

Karagatan (ocean)

Ang karagatan ay ang pangunahing bahaging ng anyong tubig. Ito ang pinakamalawak at pinakamalalim. Maalat ang tubig rito.

Halimbawa: Karagatang Pasipiko, Karagatang Indian

Dagat (sea)

Ito ay malawak na anyong tubig. Mas maliit kaysa sa karagatan. Nakadugtong ito sa karagatan kaya’t maalat rin ang tubig.

Halimbawa: Dagat Celebes, Dagat Pilipinas

Ilog (river)

Ito ay isang natural na dumadaloy na daanan ng tubig. Ito ay karaniwang tubig-tabang na dumadaloy patungo sa isang karagatan, dagat, lawa o ibang ilog.

Halimbawa: Ilog Cagayan, Ilog Pasig

Look (bay)

Ito ang anyong-tubig na nagsisilbing daungan ng mga barko at iba pang sasakyang- pandagat. 

Halimbawa: Look ng Maynila, Look ng Subic

Lawa (lake)

Ito ay anyong tubig na napapaligiran ng lupa.

Halimbawa: Lawa ng Taal, Lawa ng Laguna

Golpo (gulf)

Ito ay tawag sa malalaking look. Ito ay tila maliit na bungangang dinadaungan ng sasakyang pandagat.

Halimbawa; Golpo ng Lingayen, Golpo ng Leyte

Kipot (strait)

Ang kipot o kakiputan ay isang makitid na daanan ng tubig sa pagitan ng dalawang mga pulo.

Halimbawa: Kipot ng Iloilo, Kipot ng Guimaras

Talon (falls)

Ito ang anyong tubig na bumabagsak mula sa isang mataas papunta sa mababang bahagi ng isang lugar.

Halimbawa: Ma. Cristina Falls, Pagsanjan Falls

Bukal (spring)

Ito ay isang anyong tubig na nanggagaling sa ilalim ng lupa. Karaniwang mainit ito.

Halimbawa: Tagub Hot Spring sa Camiguin, Hidden Valley Spring sa Laguna

Malaki na ang pagkakaiba ng mga anyong lupa at anyong tubig ngayon at noon.

Pangangalaga sa mga Likas na Yaman

Kung paano maiingatan ang mga yamang lupa at yamang tubig, panuorin ang: Pangangalaga sa Kapaligiran (Puno, Halaman, Hayop, at mga Yaman sa Kalikasan)

Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com

 

Sa mga mag-aaral: Gamitin ang comment section dito: Mga pamamaraan sa pangangalaga sa kapaligiran

 

Sponsored Links