Mga pansariling taglay na mga mabuting kaugaliang Pilipino

Mga pansariling taglay na mga mabuting kaugaliang Pilipino

© Jensen DG. Mañebog

Naipapakita rin ang nasyonalismo sa pamamagitan ng pagsasabuhay at pagtataguyod sa mga mabuting kaugaliang Pilipino. Narito ang ilang mga halimbawa ng mga mabuting kaugaliang Pilipino:

Panuorin ang maikling video ukol rito: Pagkilala sa Pagkabukod tangi ng Lahing Pilipino

1. Masayahin

Kilala ang mga Pilipino sa pagiging masayahin at positibo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Mahilig din ang mga Pilipino sa mga selebrasyon at okasyon kung saan nagkakaroon ng mga pagdiriwang kasama ang mga kaibigan at pamilya. Kahit sa gitna ng mga kalamidad, ang mga Pilipino ay karaniwang hindi nawawalan ng pag-asa.

2. Mapanalanginin o madasalin

Dahil sa malawak na impluwensiya ng relihiyon sa kulturang Pilipino, marami ang nagpapakita ng pagtitiwala sa Diyos. Marami ang nananalangin araw-araw upang humingi ng awa at tulong sa Panginoon. Ang pananampalataya sa Diyos ay isa sa mga nagbubuklod sa mga Pilipino.

3. Masipag

Isa rin sa mga kaugaliang kinikilala sa mga Pilipino ay ang pagiging masipag. Maraming Pilipino ang nagsusumikap sa pag-aaral at sa kanilang trabaho, maging sa ibang bansa, upang makamit ang kanilang mga pangarap. Bukod dito, masigasig din sila sa mga gawain sa bahay at sa komunidad upang makatulong sa kanilang mga kapwa.

4. Matulungin at may malasakit sa kapwa

Kilala ang mga Pilipino sa kanilang pagiging mapagmalasakit at sa pagtulong sa kapwa. Malimit silang mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan at handang magbahagi ng kanilang oras, kakayahan, kagamitan o pera sa mga humihingi ng tulong. Likas sa kanila ang pakikiramay sa mga may pinagdaraanan.

5. Mapagmahal sa pamilya

Mahalaga sa kulturang Pilipino ang pagpapahalaga at pangangalaga sa pamilya. Ang mga Pilipino ay kilala sa paggalang at pag-aalaga sa kanilang mga magulang, kapatid, at mga kamag-anak.

6. Malambing, magalang, at magiliw

Karaniwang sinasalubong ang mga bisita o kahit mga di-kilalang tao ng ngiti at magalang na pagbati sa Pilipinas. Ang mga Pilipino ay magiliw (hospitable) sa pagtanggap ng mga panauhin.

7. Matiyaga

Ang mga Pilipino ay kilala rin sa kanilang pagiging matiyaga at di-natitinag sa harap ng mga pagsubok. Sila ay nagsusumikap at handang magtiyaga o magtiis upang makamit ang mga layunin at mapagtagumpayan ang mga hamon at kalmidad na dumarating sa kanila.

8. May malasakit sa komunidad

Bukod sa mapagmahal sa pamilya, ang mga Pilipino ay may malasakit rin sa kanilang komunidad. Sila ay nagkakaisa at nagtutulungan upang isulong ang mga proyekto at programa na makakabuti sa lahat.

Ang mga nabanggit na mga kaugalian ay ilan lamang sa mga mabuting katangian na taglay ng mga Pilipino.

 

Sa mga Mag-aaral:
Isulat ang inyong comment dito:

Filipino Moral Character: Pros and Cons

Sponsored Links