Mga Karapatang Pantao at Karapatang Sibil
Tungkulin ng pamahalaan na itaguyod ang karapatan ng bawat mamamayan.
Ano ba ang ibig sabihin ng karapatan?
Ang karapatan ay mga bagay na nararapat makuha o maranasan ng isang tao, anuman ang kaniyang pinagmulan at pinaniniwalaan. Ang mga karapatang pantao at karapatang sibil ay makatutulong sa kaniya na makapamuhay nang masaya at payapa sa kaniyang komunidad.
Anuman ang edad o kasarian, bawat tao ay may karapatan ayon sa batas. May mga karapatan ang mga pambata. (Basahin: Mga Isyu na may Kaugnayan sa Karapatang Pantao)
Ang mga karapatang pantao ay mga karapatan na taglay natin bilang mga nabubuhay na mga tao, kahit na hindi ito sabihin o isabatas ng anumang estado.
Ang mga karapatang pantao ay unibersal at likas sa ating lahat na mga tao, anuman ang nasyonalidad, kasarian, bansa o etnikong pinagmulan, kulay, relihiyon, wika, o anumang iba pang katayuan.
Ang mga karapatang sibil ay mga personal na karapatang ginagarantiya at pinoprotektahan ng Saligang Batas o Konstitusyon.
Sa Saligang Batas ng Pilipinas nakasulat at nakalarawan ang mga karapatan ng mga mamamayan. Ang Saligang Batas ang pinakamataas na batas ng Republika ng Pilipinas.
Tignan natin ang mga sumusunod na halimbawa ng karapatan ng mga mamamayan:
1. Karapatang Maipanganak at Mabuhay
Bawat tao ay may karapatang maisilang o maipanganak. Nasa sinapupunan pa lamang ay inaalagaan na ang bata upang maging malusog hanggang sa ito ay maisilang.
2. Karapatang Magkaroon ng Malusog na Pangangatawan
Karapatan ng tao na magkaroon ng mabuting kalusugan. Dapat siyang makakain ng mga pagkaing kinakailangan upang siya ay magkaroon ng malusog na pangangatawan.
3. Karapatan sa Kaligtasan at Kapayapaan
Karapatan ng tao na maging ligtas ang buhay at magkaroon ng kapayapaan.
4. Karapatan sa Edukasyon
Karapatan ng isang tao na magtamo ng wastong edukasyon upang lumaki siyang may pinag-aralan at magkaroon ng magandang kinabukasan.
5. Karapatan sa Pagboto
Karapatan ng mga mga taong nasa hustong gulang pataas na magkaroon ng karapatang bumoto at pumili ng mga taong nais nilang manungkulan sa pamahalaan.
6. Karapatan sa Malinis at Maayos na Kapaligiran
Karapatan ng tao na makapamuhay sa isang malinis at maayos na kapaligiran.
7. Karapatan sa Paghahanapbuhay
Karapatan ng tao na magkaroon ng pangkabuhayan o pagkakakitaan upang matustusan niya ang kaniyang mga pangangailangan.
8. Karapatan sa Pagtitipon
Karapatan ng tao na magsagawa ng mga pagpupulong at pagtitipon. Maari rin siyang sumali sa mga samahan o grupo na may mabuting layunin.
9. Karapatan sa Pagpili ng Relihiyon o Pananampalataya
Karapatan ng tao na pumasok o umanib sa alinmang pangkat ng relihiyon o pananampalataya na kaniyang nais.
10. Karapatan sa Pagkakaroon ng Matitirahan
Karapatan ng tao na magkaroon ng tirahan o lugar na kaniyang tutuluyan.
Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa karapatan ng tao. Tunay na ang mga ito ay dapat nilang matamasa. Subalit, kaakibat ng pagkakaroon ng karapatan ay ang kaukulang responsibilidad. Maraming bumabangong suliranin sa komunidad sapagkat ang iba ay inaabuso ang kanilang karapatan at hindi ito ginagamit sa responsableng paraan.
Halimbawa na lamang ang mga sumusunod na sitwasyon:
Karapatan sa Pagtitipon – Ipinagkaloob ang karapatan sa pagtitipon subalit hindi maaaring abusuhin sa pamamagitan ng mga pagproprotesta nang walang paalam o permit.
Karapatan sa Pagkakaroon ng Matitirahan – Maaaring magkaroon ng tirahan subalit hindi basta makapagtatayo ng bahay kung saan naisin.
Karapatan sa Pagboto – Binigyan ng karapatang makaboto subalit hindi pinapayagang bumoto para sa ibang tao.
Copyright © by Celine de Guzman/OurHappySchool.com