Likas na Yaman ng Pilipinas: Mga Hamon at Oportunidad sa mga Gawaing Pangkabuhayan
Pag-aralan natin ang ukol sa mga produkto at mga kaugnay na gawaing pangkabuhayan o hanapbuhay na nalilikha mula sa likas yaman ng Pilipinas na matatagpuan sa mga komunidad.
Mahalaga ba ang mga likas na yaman ng Pilipinas sa pamumuhay at gawaing pangkabuhayan ng mga tao sa komunidad? Anu-ano ang mga hanapbuhay na nagmumula sa mga likas na yaman?
Ano ang likas na yaman?
Ang likas na yaman ay mga bagay na makikita sa kalikasan at maaaring gamitin ng mga tao tulad ng sikat ng araw, hangin, tubig, mga halaman, mga isda, mga hayop sa kagubatan, bato, mineral at fossil fuel.
Ang mga uri nito ay yamang lupa, yamang tubig, yamang mineral at yamang kagubatan. Ang mga likas na yaman ay kailangan ng mga tao upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mula sa mga ito ay nagkakaroon sila ng hanapbuhay.
Ang bawat lugar sa mundo ay may sariling likas na yaman. Mayroong mga bansa na sagana sa mapagkukunan ng langis o brilyante. Ang iba naman ay mayaman ang kanilang mga kagubatan. Matabang lupa naman na napagkukunan ng mga produktong gulay at prutas ang maipagmamalaking likas na yaman ng iba.
Sa ating bansa, maraming likas na yamang matatagpuan. Mayroong matabang mga lupain, mga kakaibang mga halamanan at palahayupan, mga kagubatan, malalawak na baybayin, at mayamang deposito ng mineral.
Napakahalaga ng mga likas na yaman. Ito ang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga tao sa komunidad.
Ang mga likas na yaman ay pinagmumulan ng mga produkto at mga hanapbuhay sa isang komunidad. Ating talakayin kung ano ang kanilang kaugnayan.
Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng likas na yamang matatagpuan sa ating bansa.
Ang mga yamang lupa ay mga likas na yamang tumutukoy sa mga pagkain o bagay na makukuha sa mga anyong lupa. Pangunahing mapagkukunan ng kabuhayan ng Pilipinas ang yamang lupa nito na mainam taniman.
Halimbawa:
-bigas, kamote, tubo, kape, tabako, niyog, ube, gabi;
-prutas tulad ng mais, saging, pinya, mangga, atis, dalandan, kasuy, langka, pakwan, melon, papaya, santol,
-mga halamang gamot tulad ng oregano, banaba, sambong, sabila
Kasama rin sa mga yamang lupa ang mga yamang gubat at yamang mineral.
Yamang gubat – ito ang mga yamang nagmumula sa mga kagubatan.
Halimbawa: iba’t-ibang uri ng puno (goma, rattan, mahogany, molave, pine, mangrove o bakawan at iba pa), mga bulaklak, at mga hayop
Ang mga kahoy sa kagubatan ay ginagamit panggawa ng mga kasangkapan sa bahay tulad ng kama, lamesa, upuan at cabinet. Ang iba naman ay ginagawang papel o panggatong.
Yamang mineral – ito ang mga yamang nahuhukay sa lupa. Ang mga yamang mineral ay hindi na napapalitan pag naubos.
Halimbawa:
-metal: ginto, diyamante, pilak, tanso, tingga, zinc, aluminum, asoge
-di metal: semento, marmol, buhangin, graba, langis, karbon, apog at asbestos, asupre, guano, phosphate, gyrum, pyrite, aspalto, talc
Ito ang mga yamang nagmumula sa mga anyong tubig.
Halimbawa: isda, seafoods, seaweeds, kabibe, korales at perlas
Ang mismong tubig ay likas na yamang napakahalaga. Kailangan natin ng malinis na tubig inumin at panggamit sa araw-araw na gawain tulad ng pagluluto, paliligo, paglilinis.
Mayroon ding mga anyong tubig na nagbibigay ng enerhiya tulad ng mga talon para magkaroon ng kuryenteng gagamitin. Ang isang halimbawa nito ay ang Talon ng Maria Cristina sa Iligan, Mindanao. Nanggagaling rito ang enerhiyang ginagamit sa pangkabuhayan ng mga tao roon. Nakatutulong ito sa pag-unlad ng lugar.
Ang isda na produkto ng yamang tubig ay kaugnay ng hanapbuhay na pangingisda. Gayundin ang yamang lupa na bigas ay kaugnay ng hanapbuhay na pagsasaka. Ang mga natatanging likas na yaman ng mga komunidad ay pinagkukunan ng produkto na kaugnay naman ng mga nagiging hanapbuhay rito.
Ang mga magsasaka ay humaharap sa mga suliranin o hamon gaya ng mga sumusunod:
- problema sa kapital,
- pagsapit ng kalamidad na sisira sa pananim,
- kawalan o kakulangan sa makabagong teknolohiya,
- kawalan ng subsidiya mula sa gobyerno,
- pagdagsa sa Pilipinas ng mga dayuhang kalakal, at maging,
- ang pagpapairal ng rice tariffication law.
May mga oportunidad din naman ang mga magsasaka, gaya ng mga sumusunod:
- pagpapautang ng mga pribado at pampublikong institusyon sa mga magsasaka
- pagtanggap ng subsidiya ng gobyerno o pamahalaan,
- mga libreng binhi at buto na itatanim,
- mga trainings at seminars tungkol sa mga makabagong paraan ng pagtatanim
- ilang uri ng makabagong teknolohiya,
Ang mga mangingisda sa Pilipinas ay nakaharap rin sa mga hamon at oportunidad. Ang halimbawa ng mga hamon ay ang mga sumusunod:
- pagdating ng kalamidad o masasamang panahon,
- kawalan ng subsidiya mula sa gobyerno
- tukso sa paggamit ng mapanirang paraan ng pangingisda, at
- kawalan ng makabagong teknolohiya.
Ang halimbawa naman ng mga oportunidad para sa kanila ay ang:
- subsidiya o tulong mula sa gobyerno, at
- ang mga makabagong kagamitan tulad ang underwater sonars at radars
Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com
Para sa mga mag-aaral: Gamitin ang COMMENT SECTION dito:
Likas na Yaman ng Pilipinas: Mga Produkto at Hanapbuhay na Nagmumula sa mga Yamang Lupa at Tubig