Kalamidad sa Pilipinas: Kahulugan, Mga Halimbawa, at Mga Epekto
Sa komunidad sa mga lalawigan at rehiyon sa Pilipinas ay may nararanasang uri ng panahon. Ito ay maaaring maaraw, maulan, maulap, mahangin at mabagyo.
Ang klima o pangmahabang panahong nararanasan sa Pilipinas ay Tag-ulan at Tag-init.
Ganunpaman, nakararanas din ng mga natural na kalamidad o sakuna ang mga tao sa komunidad gaya ng baha, flashflood, lindol, landslide, tsunami at pagsabog ng bulkan. May mga epekto ito sa ating mga
anyong lupa, anyong tubig at sa mga tao sa komunidad.
Mahalagang malaman ang wastong pagkilos at gawain sa panahon ng kalamidad.
Kalamidad kahulugan
Ang mga uri ng panahon ay nagdudulot ng natural na kalamidad o sakuna sa mga komunidad.
Subalit, anonga ba ang kalamidad?
Ang mga kalamidad ay mga pangyayaring likas o gawa ng tao na maaaring magdulot ng pinsala sa buhay, ari-arian, at kabuhayan ng mga ito na maaaring magbunga ng pagkatigil ng panlipunan at pang-ekonomiyang gawain ng isang komunidad. Ang mga ito ay maaaring magbunga ng malaking kapahamakan.
Kalamidad sa Pilipinas: Mga natural na kalamidad o sakunang madalas maganap sa sariling komunidad
Ilan sa mga natural na kalamidad o sakunang madalas maganap sa Pilipinas ay ang mga sumusunod:
Bagyo
Ito ay isang weather system na may malakas na hanging kumikilos nang paikot na madalas may kasamang kulog, kidlat, at malakas at matagal na pag-ulan. Ito ay isang higanteng buhawi. Sa mata ng bagyo ay walang hangin subalit malakas naman ang hangin sa eyewall nito.
Ang isang malupit na bagyong humagupit sa Pilipinas ay ang bagyong Yolanda na nanalasa noong Nobyembre 8, 2013 kung saan maraming nasirang pag-aari at binawian ng buhay.
Storm Surge at Storm Tide
Magkaiba ang storm surge at storm tide. Ang storm surge o daluyong ay ang hindi pangkaraniwan o abnormal na pagtaas ng tubig-dagat na kaugnay ng low pressure weather system gaya ng mga tropical cyclone at malalakas na extratropical cyclone.
Sa storm tide naman, ang water level ng dagat ay tumataas dahil sa kombinasyon ng storm surge at astronomical tide. Sa storm surge at storm tide ay parehong maaaring makaranas ng matinding pagbaha sa coastal areas o mga baybayin at maging sa karatig na pook lalo na kung ang dalawa ay masasabay pa sa normal high tide.
Baha
Ito ang pagtaas ng tubig nang higit sa kapasidad ng ilog at ibang daluyan ng tubig bunga ng pag-apaw nito sa lupa o sa mga lugar na hindi karaniwang inaabot nito. Ang ilan sa mga sanhi nito ay ang labis na pag-ulan, biglaang pagbuhos ng malakas na ulan o thunderstorm, at tuloy-tuloy na pag-ulan, biglaang pagbuhos ng malakas na ulan o thunderstorm, at tuloy-tuloy na pag-ulan sa loob ng ilang araw. Ang pagbaha sa kasalukuyan ay tila baga nagiging pangkaraniwan na lamang sa maraming lugar sa Pilipinas.
Isang halimbawa nito ang Bagyong Ondoy na nanalasa noong Setyembre 2009 na nagpalubog sa buoong Kamaynilaan at mga bahagi ng Luzon.
Flashflood
Ito ay ang rumaragasang agos ng tubig na may kasamang banlik, putik, bato, kahoy, at iba pa. Bagaman mabilis ang pagdating ng flash flood, mabilis din ang paghupa nito. Ang pangkaraniwang sanhi nito ay ang malakas na pag-ulan.
Isang halimbawa nito ang labing limang minutong flashflood na naranasan sa lungsod ng Ormoc noong Nobyembre 5, 1991dahil sa Bagyong Uring. Tinatayang aabot sa 8,000 na tao ang namatay dahil dito.
Lindol
Ito ang biglaan at mabilis na pagyanig o paggalaw ng fault sa ibabaw ng daigdig o earth crust. Maaaring ang lindol ay volcanic o paglindol na ang sanhi ay ang pagsabog ng bulkan. Bunga nito ay ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulam na siya namang sanhi ng paggalaw ng lupa. Maaari ding tectonic ang isang lindol kapag may nagaganap na pag-uga o paggalaw sa ilalim ng daigdig. Ang malakas na u ri nito at ang mga nakasisindak na epekto nito ang isa sa pinakanakakatakot at mapanirang pangyayari sa kalikasan.
Ang lindol na naganap noong Hulyo 16, 1990 na may magnitude 7.8 ay yumanig sa buong Luzon at kumitil ng maraming buhay.
Landslide
Ito ay ang pagbagsak ng lupa, putik, o malalaking bato dahil sa pagiging mabuway ng burol o bundok. Ang pangkaraniwang sanhi nito ay ang malalakas o tuloy-tuloy na pag-ulan o hindi kaya naman ay paglindol.
Ang isang halimbawa nito ay ang Cherry Hills landslide noong taong 1999. Dahil sa malakas na bagyong Ising, maraming naapektuhan sa Cherry Hills Subdivision sa lungsod ng Antipolo. Ang ibang mga bahay ay pumaibaba kasama ng landslide at ang ibang mga tao ay namatay at nalibing ng buhay sa putik at kongkreto.
Tsunami
Ito ay malalaking along nabubuo sa ilalim ng dagat sanhi ng paglindol, pagsabog ng bulkan, pagguho ng lupa, malaking pagtama ng maliit na bulalakaw, at pagsubok ng mga kagamitang nukleyar o atomiko sa karagatan. Kilala rin ito sa tawag na seismic sea waves (iba pa ito sa tidal waves).
Ang halimbawa nito ay ang tsunami sa Japan noong March 2011 na dulot ng paglindol.
Pagsabog ng bulkan
Ito ay isang mapanganib na kalamidad na dulot ng pagpapakawala ng lava mula sa bunganga ng bulkan. Noong January 12, 2020 ay sumabog ang Bulkang Taal sa Batangas na nagbuga ng mga ashes sa Metro Manila, Calabarzon at ilang bahagi ng Central Luzon at Ilocos Region.
Buhawi
Ito ay tinatawag ding alimpuyo, tornado, o ipuipo. Ito ay isang marahas, mapanganib, at umiikot na kolumna ng hangin na dumarapo o sumasayad sa kalatagan ng lupa. Ito ay karaniwang nabubuo kasama ng isang thunderstorm. Ang malamig na hangin sa himpapawid ay baba sa kalupaan samantalang ang mainit na hangin sa ibaba naman ay aakyat nang paikot.
Epekto ng mga Kalamidad
Ang mga nabanggit na natural na kalamidad o sakuna sa itaas ay may epekto sa mga anyong lupa, anyong tubig at sa mga tao sa komunidad.
Narito ang mga halimbawa:
EPEKTO SA ANYONG LUPA
- El nino o matinding tagtuyot na magdudulot ng pagkasira ng lupa at mga pananim
- mababawasan ang mga mahahalagang puno
- guguho ang lupa
- mawawasak ang milyon milyong ari-arian ng bansa
- mababawasan ang mga hayop
EPEKTO SA ANYONG TUBIG
- dudumi at magkakalalason ang tubig
- dahil sa el nino, mamatay ang mga isda at halamang dagat dahil sa pagkatuyo
EPEKTO SA MGA TAO SA KOMUNIDAD AT PAMUMUHAY
- mawawalan ng pinagkakakitaan at kabuhayan
- maaantala at mahihinto ang paghahanapbuhay
- masususpinde ang klase kapag masama ang panahon
- masisira ang tahanan at ari-arian
- madaming masusugatan at masasawing tao at hayop
- maaaring magkaroon ng food shortage
Copyright by Celine De Guzman/OurHappySchool.com