Ang Pamahalaan: Mga Katangian ng Mabuting Namumuno sa Gobyerno
Ang pamahalaan ay isang samahan ng mga taong inihalal sa posisyon ng mga nasasakupan. Ang pambansang pamahalaan ang namumuno sa buong bansa sa pangunguna ng Pangulo o Presidente.
Ang panlalawigang pamahalaan ang namumuno sa mga lalawigan sa pangunguna ng gobernador (governor). Mayor (punong bayan o punong siyudad) naman ang namumuno sa bayan o siyudad.
Ang barangay ang pinakamaliit na uri ng pamamahala sa lipunan. Ang pambarangay na pamahalaan ang namumuno rito sa pangunguna ng Kapitan ng Barangay.
Ang pamumuno ay sining ng pagkukumbinsi sa isang grupo ng mga tao upang kumilos o gumawa tungo sa pagkamit ng iisang layunin.
Ang isang pinuno ay isang taong inihalal sa isang komunidad o lugar upang pangasiwaan o pangunahahan ito. Mahalaga na taglayin niya ang mga katangian ng mabuting namumuno sa gobyerno.
Ang mabuting pamumuno ay mahalaga. Ito ang pamumuno na may katatagan, kapayapaan, kaayusan sa pangangasiwa sa mga pondo at patakaran, at walang katiwalian.
Ang mabuting pamumuno ang susi sa pagiging matagumpay ng isang bansa, lalawigan (probinsiya), bayan, siyudad, barangay, o komunidad.
Ang pinuno na may mabuting pamumuno ay:
1. Nagbibigay ng pagkakataon sa mga nasasakupan na ilapit ang kanilang mga hinaing at pangangailangan.
2. Malawak ang kaalaman sa pagpapatakbo ng nasasakupan. Patuloy na nag-aaral ng mga pamamaraan.
3. Hindi namimili ng sakop na tutulungan. Hindi nagtatangi.
4. May tiwala sa sarili subalit hindi mababa ang pagtingin sa ibang tao.
5. Marunong makisama sa mga nasasakupan subalit marunong tumanggi sa mga gawaing hindi tama.
1. Ang Kapitan ng barangay ay nagpatawag ng isang pagpupulong para sa mga kasapi ng barangay. Ang bawat isang kasapi ay hinihikayat niyang magsalita upang banggitin ang kanilang mga pangangailangan at mga mungkahi para sa barangay.
2. May inilapit na kaso sa Punong Bayan. Ang dalawang partidong magkalaban ay binubuo ng isang karaniwang tao at isang may mataas ang katayuan sa buhay. Pinag-aralang mabuti ng Mayor kung sino ang tunay na may pagkakamali at ipinataw ang kaukulan hatol.
3. Magbi-birthday ang asawa ng Gobernador. Dati-rati ay nagdiriwang sila at may malaking party. Dahil sa ipinagbabawal ang mga malakihang selebrasyon sa panahon ng pandemya, minabuti na lamang nilang magdiwang na magkakapamilya.
4. May relief goods o ayudang ipamimigay para sa mga kasapi ng barangay dahil sa pandemya. Tinitiyak ng mga konsehal ng barangay na ang mabibigyan ay iyong karapat-dapat gaya ng mahihirap at matatanda.
5. Sa panahon ng pandemya, maraming kasapi ng komunidad ang nawalan ng trabaho. Bumubuo ng mga proyekto ang mga namumuno sa bansa sa pangunguna ng Pangulo upang matugunan ang pangangailangang kabuhayan ng mga mamamayan.
Copyright © by Celine de Guzman/MyInfoBasket.com