Ang Kamalayan sa Sarili (“self-awareness”) at ang Personal na Pag-unlad

Ang kamalayan sa sarili o “self-awareness” ay mahalaga sa personal o pansariling pag-unlad. Ito ay ang kamalayan sa sarili na may kaugnayan sa maraming aspeto ng personalidad ng isang indibidwal tulad ng kalakasan, kahinaan, paniniwala, interes at emosyon.
 
Isang proseso ito na makakatulong sa isang indibidwal sa pagkilala nang mas mabuti sa sarili at maging sa pagtukoy sa mga pangangailangan sa karera.
 
Kung pagpili ng karera ang pag-uusapan, isang unang hakbang para sa indibidwal ang pagkakaroon ng kamalayan sa sarili. Ito ang paraan kung paano matutuklasan ang iyong mga kalakasan at kahinaan—kung saan ka magaling at kung alin ang dapat mo pang paghusayin pa. Hinahayaan ka nitong alamin ang iyong mga talento at pasyon na aakay patungo sa pansarili at propesyonal na pag-unlad.

Ang personal na pag-unlad

Ang personal na pag-unlad ay makatutulong upang makapagtakda ang isang indibidwal ng mga layunin at inaasahan para sa kaniyang sarili. Ang sinumang indibidwal na walang pansariling pag-unlad ay kadalasang nabibigo sa kaniyang mga pangarap. Mahalagang makapagtakda ng mga inaasahan para sa sarili.
 
Laging mayroon puwang para sa pagpapaunlad. Huwag maging kampante at isipin na alam na ang lahat at mahusay na. Maraming bagay pa rin ang hindi natin nalalaman at kailangang matutunan.
 
Ang pagpapaunlad ng sarili ay nagbibigay sa isang indibidwal ng kumpiyansa. Ang pagpapabuti ng sarili ay lubhang mahalaga hindi lang dahil sa inihahanda ka nito para sa mga hamon sa kasalukuyan kundi para na rin sa iyong kinabukasan o hinaharap.
 

© Marissa G. Eugenio/MyInfoBasket.com

 

Sponsored Links