Ang Camera sa Paglipas ng mga Siglo

Si SIEGFRED T. GOLLAYAN, ang may-akda, ay nagtapos ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng photojournalism at feature writing sa isang pamantasan sa Pilipinas. (You, too, can have your articles, lectures, etc.  published here. Send them through e-mail to OurHappySchool@yahoo.com)
 
HINDI MAIKAKAILANG NGAYON ay madali nang makakuha ng mga larawan gamit ang iba’t ibang uri ng automatic still camera. Sa halos lahat ng electronic gadget na naglitawan ngayon, hindi maaaring mawala ang camera feature nito. Pero, paano kaya noon?
             Sinasabing unang permanenteng litrato ay kinunan ng imbentor na Pranses na si Joseph Nicéphore Niépce noong 1826. Dahil wala pang developing at photo papers noon, mga pewter plates ang ginamit niya para sa mga imahe na kinunan niya gamit ang camera obscura (isang forerunner ng camera). Gumamit siya ng bitumen, isang aspalto na nagbabago kapag nabilad sa ilaw, upang lumitaw ang mga larawan.
            Hanggang sa mamatay si Niépce noong 1833, hindi niya naperpekto ang tekolohiya ng paglikha ng litrato. Pero bago siya namatay, noong 1829, nagsama sila ng imbentor na si Louis Jacques Mandé Daguerre, at ipinagpatuloy ang mga eksperimento gamit ang camera obscura.
            Sa pagpanaw ni Niépce, lalong isinaayos at pinaunlad ni Daguerre ang prosesong nasimulan nila. Sa panahong ito lumabas ang pinakaunang commercial camera noong 1837 na tinawag na “daguerreotype.” Ito ay ipinakilala sa madla sa pamamagitan ng French Academy of Sciences noong 1839. Ang mga larawang kuha ni Daguerre ang tinaguriang kauna-unahang matagumpay na litrato.
            Subalit, walong buwan bago pa man nailathala ang proseso ng daguerreotype, natuklasan at nailathala na ni William Henry Fox Talbot ang paggamit ng negative-positive process na tinawag niya “photogenic process”. Lalo niya itong isinaayos at pinaunlad at pinangalanlang “calotype”. Ito ang naging basehan ng mga modernong film technology na gumagamit ng mga negative upang gumawa ng maraming prints. Hanggang ngayon ay may mga gumagamit pa rin ng ganitong proseso.
            Ang imbentor na Amerikanong si George Eastman naman ang nagpakilala ng easy-to-use Kodak camera noong 1888. Ito ang unang camera na naka-disenyo para sa roll films. Ang imbensiyon niyang ito ang naglagay ng camera sa mga kamay ng madla kahit na sa walang karanasan sa paghawak ng mga sinaunang camera.
            Taong 1861 naman nang gawin ang unang color photography sa pamamagitan ni James Clerk Maxwell. Ang pag-aaral niya ukol sa color vision ang itinuturing na ninuno ng color photography, printing, at television.
            Ipinagpatuloy ito ng magkapatid na Auguste at Louis Lumière at noong 1904 ay isinilang ang “autochrome process”. Dyed starch grains o gawgaw na kinulayan ang unang ginamit upang malagyan ng kulay ang litrato. Sa ngayon, hindi na kailangan pang gumamit ng gawgaw sa mga colored picture dahil nagagawa na ito sa mabilis na proseso gamit ang processing machine.
            Sa pagsapit ng 1990s, dumating ang pinakabagong paraan upang mabilis na mai-print ang mga litrato. Ito ay sa pamamagitan ng digital camera na maaaring ikonekta sa personal computer. Mabilis nitong pinapalitan hanggang sa ngayon ang conventional cameras para sa iba’t ibang larangan gaya ng advertising, graphic design, at photojournalism.
            Mayroon itong charge-coupled device na nag-iimbak ng mga impormasyon bilang electronic charge kung kaya hindi na kailangang gumamit pa ng film upang makuha ang isang imahe. Ikakabit lang dito ang compact flash memory card at maaari na itong magamit ng higit na maraming beses kumpara sa mga camera na ginagamitan ng film. Malaking tulong ito sapagkat hindi mo na kailangan magpapalit-palit ng film rolls. Madali ring i-delete na lamang ang mga kuhang hindi maganda o kaya’y blurred.
            Bentahe din sa digital camera ang pagkakaroon nito ng optical at digital zoom. Bukod dito, pwede ring retokehin at ayusin ang hitsura ng kukunan ng litrato gamit ang computer o kaya naman ay pumili ng gusto mong background. Mayroon din itong movie mode na may sound capture function kaya maaari itong ikonekta sa telebisyon upang ma-preview ang mga kuhang litrato.